Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Friday, December 21, 2007

Bakit Maganda ang Blog na ito at iba pang mga masasabi ko dito...

Maganda ang blog na ito ni Ginoong D'Angelo. Si Dave ay matagal-tagal ko na ring kasama sa PeaceTech at batid ko ang kanyang masidhing pagmamahal sa bayan. Kaya marahil ay binuo niya ang blog na ito upang magkaroon ang mga Pilipino ng isang espasyo sa internet na maaaring pagsabihan ng kanilang mga saloobin tungkol sa kanilang pagiging Pilipino at upang ipamukha sa nakararami na hindi tayo dapat mapagod maging bahagi ng bansang Pilipinas.

Tama ang pamagat na ibinigay ng aking kaibigan. Nagtatanong kung pagod na nga ba tayong maging si Juan. Totoo ito kung tutuusin pagkat maraming mga Pilipino na bagamat nagpupunyagi upang mapanatili ang integridad, kadalisayan at katatagan ng sistemang nagpapatakbo sa bansa ay tila hindi nagkakaroon ng positibong resulta ang kanilang mga nagawa. Hindi dahil sa kulang ang kanilang ginagawa, kundi natatalo ang kanilang pagpupunyagi ng mas nakararaming Pilipino tumatalikod at yumuyurak sa sistema ng ating bansa. Hindi lang kasi pagod ang mga Pilipino na maging si Juan. Marami ring Pilipino na tamad maging si Juan.

Si Juan dela Cruz ay likas na masipag, matapang, tapat sa Diyos at sa bayan at mapagmahal sa kapwa at sa bansa. Subalit hindi lahat ng mga Pilipino ay gaya ni Juan. Tinatamad silang isabuhay ang mga katangiang kinakailangang taglayin ng isang Juan dela Cruz upang maitaguyod ang bansa. Sa halip na maglingkod sa bayan, maraming mga Pilipino ang gustong yumaman, makakuha ng salapi sa mas madaling paraan at mapanatili ang kayamanang ito. Kaya naman kahit anong paraan ay gagawin nila maging ito man ay masama. Mula sa simpleng pagnanakaw hanggang sa malawakang pangangamkam ng mga lupain, ilan lamang ito sa mga gagawin ng ilang Pilipino dulot ng katamaran na maging si Juan.

Ngunit may ilang Pilipino na sa kabila ng kahirapan o kaya'y mataas na kinaluluklukan ay pinipili pa ring panatiliin ang karakter ng isang tunay na Juan dela Cruz. Ngunit gaya nga ng sabi ko, iilan lamang sila. Ang kakaunting dami nila ang siyang dahilan kung bakit ang kanilang mga pagpupunyagi ay natatalo ng mga kabuktutang gawa ng mas nakararaming mga Pilipino. Kung ang lahat lang sana ng mga Pilipino ay tulad nila, magiging dakilang bansa muli ang Pilipinas.

Kaya marahil sa ilang mga Pilipinong ito, nakakapagod na maging si Juan dela Cruz. Ngunit, ang pananaig ng mas malawak na kabuktutan sa lipunan ay hindi dapat maging hadlang sa pagpapatuloy ng pagpupunyagi. Bagkus, dapat itong magsilbing inspirasyon upang lalo pang pag-igihan ang pagpupunyagi at ipagpatuloy ang nasimulan. Pagkat habang naririyan ang maliit na bahagdan ng mga tunay na Juan dela Cruz, may pag-asa ang bayan na ito na maging dakila muli.

Kay kuya Dave, maraming salamat sa imbitasyon na makapagbahagi ng aking kuru-kuro.



Epi, 21
Isang Guro

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: