Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Monday, December 24, 2007

Maligayang Pasko sa Lahat (Merry Christmas to All)!

Isang pagbati ng Maligayang Pasko sa lahat ng kapwa ko Filipino at gayon na rin sa mga kapatid nating Moro sa Mindanao. Sa mga Filipino na nagtratrabaho sa ibang bansa nawa ay maligaya rin ang inyong pasko.

Ang okasyong ito tuwing Disyembre ay siya raw pinakahihintay na okasyon ng lahat sapagkat maraming pagkain, maraming regalo at marami ang galante. Sabagay ganun nga naman ang pasko... ang dami ngang handa na ang iba ay nangungutang pa. Marami rin ang kinakasal at nagpapabinyag tuwing Disyember at marami rin ang nagtatago sa kanilang mga inaanak na tiyak na hihingi ng regalo sa kanilang mga ninong at ninang.

Sa malalim na pagtingin ang pasko kung tutuusin ay kinakapalooban ng iisang damdamin... ang damdamin ng pagbibigayan.. at pagtulong ng lubos sa kapwa. Hindi kailanman naipapakita ang kahalagahan ng pasko sa marararangyang regalo, magandang damit, bagong sapatos at laruan, masasarap na handa, pamamasyal at kung anu-ano pa. Bagkus ang Pasko ay panahon upang ating ihandog sa sangkatauhan ang saya ng pagbibigay hindi lamang ng mga materyal na bagay kundi ng pag-asa.

Sa Pilipinas na kung saan marami at dumarami ang nagugutom, ang mga walang trabaho, ang mga hindi makapag-aral at ang mga nawawalan ng pag-asa dapat siguro na sa panahong ito ay mas ipakita ng mga mas nakaka angat sa buhay at ng mga mas nabigyan ng pagkakataon na may pag-asa pa at ng pagsasabing huwag silang sumuko sapagkat may naka alalay sa kanila.

Ito ay panahon din para paglimian ng ating pamahalaan at ng mga naglilingkod o dapat naglilingkod sa tao kung anu nga ba talaga ang kanilang papel sa mga kababayan natin. Dapat na silang magising at magsimulang tunay na maging tagapaglingkod ng sambayanan.

Sa mga kapatid nating Moro na patuloy na hinahanap ang kapayapaan at kinukuha muli ang sa simula pa man ay sa kanila na... nawa ay maging iisa na tayo sa bansang ito hindi bilang Filipino lamang kundi bilang tunay na magkapatid sa ating mga karanasan... bilang Filipino at Moro. Hangad ko ang inyong tagumpay sa pakikipaglaban para sa inyong sariling karapatan na noon pa may ay sa inyo na.

Sa mga naiwan ng ating mga kababayang OFWs.. sana naman ay huwag na lang nating basta basta gastusin sa kung saan-saang bagay ang pinaghihirapan ng ating mga mahal sa buhay. Pahalagahan natin ang bawat piso na ating tinatanggap sapagkat ito ay dugo at pawis nila.

Sa buong sambayanan... MALIGAYANG PASKO SA INYONG LAHAT!

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: