Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Monday, April 28, 2008

Talumpati sa Pagtatapos sa UP Tacloban College ni Dr. Bien Lumbera, National Artist

Ito ang talumpati ni Dr. Bien Lumbera sa pagtatapos ng mga mag-aaral ng UP Tacloban.

TALUMPATI SA PAGTATAPOS SA UP TACLOBAN COLLEGE
DR. Bienvenido Lumbera
Professor Emeritus at National Artist
25 Abril 2008



Matipunong lalaking hubo’t hubad na tila iniaalay ang buong pagkatao sa malawak na kalangitan. Iyan ang rebultong kilala ng lahat bilang simbolo ng Unibersidad ng Pilipinas. Mula pa noong 1935, natatak na sa kamalayan ng bawat mag-aaral ng UP ang Oblation bilang paalaala na ang Unibersidad ay institusyong nakalaan sa paglilingkod sa sambayanang Filipino, at inaasahang ang bawat kabataang hinubog sa mga klasrum ng UP ay magiging tapat sa mga simulaing kinakatawan nito.

Nang kinumisyon ni Presidente Rafael Palma si Guillermo Tolentino upang likhain ang isang rebultong magiging sagisag ng Unibersidad ng Philipinas, itinagubilin niya na kakatawanin ng sagisag ang mga simulaing itinala ni Jose Rizal sa kanyang Ultimo Adios.

En campos de batalla, luchando con delirio,
Otros te dan sus vidas, sin duda, sin pesar,
El sitio nada importa: cipres, laurel o lirio,
Cadalso o campo abierto, combate o cruel martirio,
Lo mismo es, si lo piden la patria y el hogar.

Ang nangasa digmaang dumog sa paglaban,
Handog rin sa iyo ang kanilang buhay,
Hirap ay di pansin, at sa gunamgunam,
Ang pagkaparool o pagtatagumpay,
Bibitaya’t madlang mabangis na sakit
O pakikibakang lubhang mapanganib,
Pawang titiisin kung ito ay nais
Ng bayang tahanang pinakaiibig.


Dakila ang mga mithiing sumasaisip kapag tinitingala ang naging bunga ng imahinasyon at galing ni Tolentino. Kilala natin ngayon ito bilang Oblation, ang lalaking iniaalay ang sarili sa kalawakan. Sagisag siya ng bukas na isipang hindi natatakot sa anumang hamon ng panahon. Siya ang pagkilala sa malawak at masalimuot na kapaligiran ng mga isyung kinakaharap ng lipunan. Siya ang matibay na paninindigan para sa kalayaang akademiko. Siya ang kahandaang iukol ang paglilingkod sa nakararami sa sambayanan. Hindi abstraktong mga mithiin ito. Kung ayon man sa iskultor ng Oblation na si Guillermo Tolentino na ang kanyang likha ay gumugunita sa lahat ng di-kilalang bayani ng lahi, sa panahon ng Siglo 20 ay maraming pangalan ng mga nagtapos sa UP ang nagbigay karangalan sa Oblation. Kabilang ang mga kabataang naging tagapagtaguyod ng pagbabagong panlipunan tulad nina Lean Alejandro, Lorena Barros, Tony Tagamolila, Abraham Sarmiento Jr at Voltaire Garcia ng henerasyong ”Unang Sigwa.” At nariyan ang mga nauna sa kanila na nakapag-iwan ng mga bakas na pinagsumundan ng mga kabataang nabanggit. Wenceslao Q.Vinzons, Teodoro A. Agoncillo, Renato Constantino, Leopoldo Yabes, Ricardo Pascual, Salvador P. Lopez, Cesar Majul, atbp. Ang mga kaisipan at mithiing kanilang ipinamana sa kasalukuyang henerasyon ng mga mag-aaral ay matibay na pundasyon na lagi’t laging mapaghahanguan ng simulaing gagabay sa kanilang paglilingkod sa sambayanan.

Subalit hindi dapat na ituring na sagisag “magpakailan man” ang Oblation, na wari baga’y matibay na garantiya ito ng di-matitibag na mga tradisyon ng UP. Ang Unibersidad ay institusyong edukasyonal ng Republika ng Filipinas. Realidad ito na hindi matatakasan ng mga nagpapatakbo ng Unibersidad, na lagi’t lagi na ay kailangang makitungo sa Konggreso at Malakanyang at sa iba pang puwersang nasa labas ng Unibersidad tulad ng mga empresang ekonomiko at ng mga embahada. Sa pakikitungong iyan nangyayari ang madalas ay di-namamalayang “pagkatibag” ng mga tradisyong madalas akalain natin ay pamalagiang nakalangkap sa Oblation.

Sandaang taon na ngayon ang UP, at kasabay nating ipinagdiriwang ang pagsabatas ng bagong Charter ng Unibersidad. Ang lumang Charter ay nasulat sa unang taon ng pagkatatag ng Unibersidad noong 1908 bilang “Philippine University,” sa bisa ng Act No. 1870 ng Philippine Commission, na isang institusyong kolonyal. Sinikap ng mga opisyal ng Unibersidad na iangkop ang bagong Charter sa umiiral na mga kontemporaryong kondisyon ng edukasyon sa Filipinas, at matapos ang maraming konsultasyon, may Charter na ngayon ang UP na inaakalang nababagay sa isang institusyon ng isang malayang Republika.

Bago ang Charter kaya’t nararapat lamang na bantayan ang mga probisyon nito at suriin kung ang mga ito ay umaayon sa mga tradisyong inaari nating tapat sa mga orihinal na mapagpalayang simulain ng Unibersidad. Dito pumapasok ang pangangailangang maging mapanuri tayo sa ating pagtatangi sa Oblation bilang sagisag ng Unibersidad. Ang retorika ng mga nagpapanukala ng mga pagbabago sa Unibersidad ay natitiyak nating sasandig sa simbolismo ng Oblation upang ipatanggap ang kanilang balak. Bilang sagisag hindi na mabilang ang pakahulugang maikakapit sa Oblation. Maari itong gamiting dahilan sa ano pa mang balak ng administrador para sa pagtatakda ng mga patakarang pang-edukasyon. Ang tanging sukatang magagamit sa pagtiyak kung ang nasabing mga patakaran ay para sa ikatitibay ng UP bilang institusyon ay ang mayamang kasaysayan ng Unibersidad at ang naging pagharap ng mga naging administrador nito sa mga problemang pinagdaanan nito. Ang kasaysayang iyan ang makatutulong sa paglinaw sa naging bisa ng mga patakaran ng mga administrador ng nakalipas. Dapat nga lamang ingatan na ang pagbalik sa nakaraan ay hindi maging dahilan upang hadlangan ang anumang inobasyon tungo sa ikagagaling ng mga patakarang nakatuon sa hinaharap.

Sa halos buong mundo ngayon, sa pangingibabaw ng IMF-World Bank at World Trade Organization at nag-iisang pamamayagpag ng imperyalismong U.S., globalisasyon ang isinusulong na kalakaran sa ekonomiya at kultura. Inimbento ng mga kapitalistang ekonomista ang konseptong ”borderless world” upang mapangatwiranan ang paghahari ng mga industrialisadong bansa sa larangan ng ekonomiya. Ayon sa lohika ng mga teorista ng globalisasyon, ang walang sagkang pagbubukas ng mga mahihirap na bansa sa pakikipagkalakan sa mga bansang may maunlad na ekonomiya ay siyang paraan upang maangat ang kabuhayan nila. Di-umano, kung maiwaksi ang lahat ng proteksiyonistang hanggahan, sa malao’t madali ay magaganap ang pagkakapantay- pantay ng mga bansa bunga ng malayang kalakalan.

Umiiral na sa larangan ng edukasyon ang bisa ng pilosopiya ng ”borderless world.”
Global di-umano ang tunguhin ng Siglo 21, at ang edukasyon ay katuwang ng ng ekonomiya sa pagsusulong ng mundong wala na ang bumabakod na mga pambansang hanggahan. Nasa likuran ng aplikasyon ng ”borderless world” sa edukasyon ang haka na saanman sa mundo ay magiging iisa na ang antas ng pag -unlad ng mga bansa sa globalisadong mundo. Samakatwid, dapat nang tanggalin ang mga instrumentales sa akademya na nagpapatibay sa pagkakaiba-iba ng kultura ng mga individuwal na bansa. Kailangan na raw iangat ng bawat bansa ang ekonomiya nito sa antas ng mas maunlad na bansa, at ang pangunahing halimbawa ng ganoong pag-angat ay ang kapitalistang pagka-unlad ng mga bansa sa Kanluran. Tunay na magandang pangarap ang ganyang pantay na pag-unlad ng ekonomiya ng magkakaibang bansa.

Subalit hindi isinasaalang- alang ng ganyang pangarap ang kakaibang kasaysayan ng mga bansang dating kolonyang pinagsamantalahan ng mga bansang galing sa Kanluran. Ang kultura at ang ekonomiya ay mahigpit na magkatalik bilang salik ng buhay-pambansa. Sa kanilang pagpapanukala ng ”borderless world,” sadyang kinalimutan ng mga kapitalistang bansa ang tambalan ng kultura at ekonomiya. Bahagi iyan ng buktot na pakana na maipailalim sa kanilang kontrol at pagsasamantala ang mga maralitang bansa sa Asia, Amerika-Latina at Aprika. Sa globalisadong mundo, ang pangunahing makikinabang sa pagkawala ng mga hanggahang proteksiyonista ay di-kasi ang Amerika, Alemanya, Fransya, Japan at China.

Sa ”borderless world” ng globalisadong mundo, nasaan na ang UP? Sa ilalim ng administrasyon ni Presidente Francisco Nemenzo, naganap ang pinakahuling re bisyon ng GE curriculum. Tampok sa dating GE curriculum, na mula pa noong Dekada 60 ay humubog ng makabayang oryentasyon ng mga iskolar ng bayan, ang sabjek na Kasaysayan ng Filipinas. Nang paraanin ito sa proseso ng rebisyon, nagpasya ang mga akademikong tinipon ni Presidente Nemenzo na kalabisan na raw ang isang bukod na pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas dahil ang nasyonalismo raw ay mahahango na ng mag-aaral sa iba’t ibang sabjek na kanilang kukunin. Batay sa ganoong pananaw, inihanay na lamang ang Kasaysayan sa mga elective na kapantay ng sabjek na sexuality o home economics. Hindi kaya ito tanda ng pagtanggap sa lohika ng ”borderless world” sa pagbubuo ng kurikulum para sa mga mag-aaral na Filipino? Ang edukasyon UP ay para sa mga Filipino, at ang layunin nitong itampok ang pinagdaanang kasaysayan ng bayan ay udyok ng pangangailangang burahin ang kolonyal na pananaw sa sambayanang hindi pa ganap ang pagkilala sa lisyang bisa sa kultura natin ng pananakop ng Espanya at Amerika.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ng kagalanggalang na Presidente Emerlinda Roman, naganap ang pagtataas ng matrikula na di-umano ay siyang tanging mabisang tugon sa taon-taong problema ng UP sa kulang-kulang na suportang badyet ng pamahalaan. Ginamit na dahilan sa pagsingil na kasing-mahal ng matrikula sa Ateneo at De La Salle, ang katwirang kailangang matugunan ng UP ang tumaas nang gastos sa pagpapatakbo ng isang institusyong nagdudulot ng edukasyong de-kalidad. Paano na ang paglilingkod ng Unibersidad sa sambayanang ang nakararami’y walang kakayahang makabayad sa mga paaralang katulad ng Ateneo at De La Salle? Totoo mang may inilatag na safety net upang hindi ganap na mapagsarhan ang mahihirap na mag-aaral, hindi maitatanggi na ang pagtaas ng matrikula ay nagpakipot na sa puwang na dati’y nakabukas para sa mas maraming dukhang nagmimithi ng edukasyong UP.

Nakatingala sa kalangitan ang matipunong lalaking hubo’t hubad. Marahil napapanahon namang sa halip na paitaas ang tingin ng matipunong lalaki, na ibaling natin ang kanyang tingin paibaba. Ang malawak ng kalangitan ay nagpapamalas ng araw at buwan, ng ulap at mga bituin, mga tanawing nakapagpapalimot sa mga suliranin dito sa kalupaan. Dito, ang Unibersidad ay tumatahak sa bagong landas tungo sa isa pang sentenaryo, at nakalilito ang mga pagbabagong kailangan nitong harapin. Tayo – kayong nagtatapos at kaming maiiwan ninyo – sana ay makaalaala na ang Oblation ay gabay natin tungo sa hinaharap, at bilang gabay puwede nating sangguniin ito kung saan tayo dadalahin ng kasalukuyang landas ng ating ”pamantasang hirang.”
>/span>

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

1 comments:

Anonymous said...

jujuuj