Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Monday, June 16, 2008

Delikado sa Kalusugan ang Amoy ng PVC Shower Curtain

Isang artikulo para sa kaalaman ng lahat na mula sa Bandera, 15 Hunyo 2008

Mayroong mga uri ng shower curtain na pangkaraniwang ginagamit sa mga tahanan, ospital, gym, hotel, resort at iba pa ang maaaring makapinsala sa kalusugan ng pamilya.

Ayon sa EcoWaste Coalition, ang mga shower curtains na gawa sa polyvinyl chloride (PVC), isang uri ng plastik, ay maaaring maglabas nang mahigit 100 toxic chemical sa hangin at magdulot ng polusyon sa loob ng bahay. Ang mga kemikal na ito ang nagbibigay sa mga bagong PVC shower curtain ng masangsang na amoy.

Ang panganib na dulot ng mga kurtinang PVC ay ibinunyag sa bagong pag-aaral na "Volatile Vinyl: The New Shower Curtain's Chemical Smell,” na inilabas ng Center for Health, Environment and Justice (CHEJ), isang non-profit group na nakabase sa Estados Unidos.

Sa nasabing pag-aaral, bumili ang CHEJ ng iba't ibang uri ng PVC shower curtain, ipinasuri sa laboratoryo at lahat ay natuklasang nagtataglay nang mapapanganib na uri ng kemikal tulad ng volatile organic compounds (VOCs), phthalates at organotins. Ang mga kemikal na ito ay maaaring makapinsala sa atay at sa nervous, respiratory at reproductive system.

Ang ilan sa mga ito ay maaaring maging sanhi ng kanser sa hayup, at ang iba naman ay batid o pinagsususpetsahang nakakanser sa tao.

“Pinatotohanan ng CHEJ report na maraming mapapanganib na kemikal na inilalabas ang mga PVC curtain showers sa hangin. Kailangang kumilos ang ating pamahalaan at mga mambabatas upang makontrol ang patuloy na pagkalat ng mga ganitong produkto sa merkado,” wika ni Sonia Mendoza ng EcoWaste Coalition at Mother Earth Foundation.

Ayon sa EcoWaste Coalition, ang indoor pollution ay isang malaking usaping pangkalusugan. Kinikilala ng World Health Organization, US Environmental Protection Authority, American Lung Association at iba pa na “major risk” sa kalusugan ng tao ang indoor pollution.

Ang naturang ulat hinggil sa mapanganib na amoy mula sa PVC shower curtain ay dapat lamang magtulak sa National Solid Waste Management Commission, Department of Trade and Industry at iba pang ahensya na ipatupad ang phase out ng mga produkto at balot na hindi maka-kalikasan (non-evironmentally acceptable products and packaging) ayon sa itinakda ng Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act, diin pa ng EcoWaste Coalition.

Upang mapangalagaan ang kalusugan at kalikasan, inirerekomenda sa nasabing ulat ng CHEJ ang pag-phase out ng mga PVC shower curtain, pagtanggal ng mga ito sa pamilihan, pag-label sa material content ng mga shower curtain, pagtanggi ng mamimili sa produktong walang sapat na label at pagpili sa mga alternatibong hindi gawa sa PVC.

Ang paglulunsad ng CHEJ report sa Pilipinas ay pinangunahan ng Task Force Plastics ng EcoWaste Coalition na kinabibilangan ng Earth UST, Global Alliance for Incinerator Alternatives, Greenpeace Southeast Asia, Health Care Without Harm, Kaalagad Katipunang Kristiyano at Mother Earth Foundation.

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: