Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Tuesday, August 5, 2008

Ang Istorya ng Pagod Ka Na Bang Maging Si Juan? (Are You Tired of Being Juan?)

Sa totoo lang ang Pagod Ka Na Bang Maging si Juan? ay isang libro na binalak kong gawin noon. SI Bob Ong ang naging inspirasyon ko upang simulan ang librong ito. Sa katotohanan nga ay mag outline na ako nito. Taong 2005 ng una akong magsulat o magbalak sumulat ng isang topic tungkol sa pagiging Filipino. Ito rin ang panahon kung saan nagsasawa na rin ako sa pagiging Filipino subalit patuloy na humuhugot ng pagasa.

Simula kahapon naisipan kong buklatin ang hiniram kong libro ni Bob Ong na Stainless Longganisa at ngayong araw na ito base sa isinulat nya ukol sa pagsusulat ay naitanong ko, "Anu nga ba ang nais ko talaga sa blog na ito?" KUng tatanawin parang isang daily events o current events blog ang Pagod Ka Na Bang Maging Si Juan? May mga update ukol sa mga bagay-bagay sa ating bansa, may mga komentaryo din at minsan may pagbabalik-tanaw. Dala siguro ng sobrang pagiging stressed sa pag-iisip kung anu ang uunahin ko ay hindi ko na nabigyan ng panahon na matutukan ang aking tunay na layunin dito. Ngayong araw na ito... susubukan kong ibalik at dagdagan ang nilalaman ng blog na ito. Sisimulan ko ito sa pamamagitan ng paglilimbag sa pahina ng internet na ito ng panimulang ginawa ko noong 2005 para sa ambisyon kong libro...


PANIMULA

Ilang beses mo na bang nasabi sa sarili mo na pagod na pagod ka na sa nangyayari sa bansang ito? Gaano kalakas ang iyong pagnanais na makaalis at pumunta sa ibang bansa upang doon ay magkaroon ng mas magandang kapalaran? Pagod na pagod ka na bang maging si Juan dela Cruz?

Natatandaan ko pa noong bata ako at ang kasiyahang naramdaman ko ng mapatalsik sa pamamagitan ng EDSA People Power I ang diktador na si Ferdinand Marcos. Sabi kasi nila si Marcos daw ang dahilan kung bakit naghihirap ang bansa. Siya raw ang nagpalubog sa ating bansa sa utang? Pagkalipas ng kulang ng dalawampung taon, kapag naaalala ko yun natatanong ko ang sarili ko, si Marcos nga ba ang problema o tayo mismo?

Sa panahon ngayon halos lahat ng Filipino ay gusting pumunta ng ibang bansa at iyan din ang dahilan kung bakit dagsa ang mga nag-aaral ng mga kursong nursing at caregiving. Halos lahat ng paaralan ay puno na. Dahil saw ala na silang pag-asa na makakuha ng magandang trabaho dito sa Pilipinas. Sa survey ng ginawa ng Social Weather Station (SWS) ng unang bahai ng 2005 na isang malaking suliranin ang kawalan ng trabaho. Mahigit na 41% naman ng mga may trabaho ang may pangambang mawalan sila (Mindanao-59%; Visayas-57%; Luzon-33% at Metro Manila-18%). Halos lahat din ay nagsasabing pahirap ng pahirap ang buhay taon-taon sa kadahilanan na ring 16% ang walang trabaho sa ating bansa ngayon.

Mula bente pesos sa isang dolyang noong 1986, sumadsad na sa mahigit limampung piso kada dolyar ang palitan natin ngayon (at bumalik sa P44 salamat sa mga OFW na nagpapakahirap at naghuhugas ng kung ani-ano para lang matulungan ang kanilang pamilya na ang karamihan naman ay kung saan-saan lang ginagastos ang pinapadala.) Ibig sabihin nito ang halaga n gating piso noon ay sisenta isais (P0.66) sentimo na lang ngayon. Dumarami na rin ang nagugutom nating mamamayan. Sa mga walang trabaho 15.9% sa kanila ang dumaranas nito, 13.2% sa mga “self-employed”, 11.6% sa mga nagtratrabaho sa pribadong kumpanya at 6.4% sa mga pamilya ng nasa serbisyo ng pamahalaan. Subalit sa kabila ng lahat ng ito tayo pa rin ang pang tatlumput isa sa mga pinakamasayang tao sa buong mundo at taon-taon ay umaasa ng mas mabuting buhay na haharapin.

Alam ba ninyo, madalas nagugulat ang marami kung bakit nga ba pinagtutuunan ng pansin ang mga bagay na ito kasi hindi naman daw ako mukhang Filipino. Sabagay tama naman sila, hindi nga ako mukhang Filipino kasi ang tatay ko ay “Brazilian” at ang nanay ko naman ay mamamayang Filipino (Filipino citizen) yun nga lang kalahati syang Kastila at Amerikano. Ang lola ko naman ay hindi rin purong Filipino sapagkat ang dugo niya ay kalahating Filipino at Kastila. Kung susumahin natin sa “genetics” sampung porsyento (10%) lang ang dugo kong Filipino. Subalit simula ng maulila ko itinuring ko ng pangalawang magulang ko ang bayan ko. Ewan ko nga ba madalas nasasaktan ako pag may naririnig na hindi maganda sa ating bayan at galit nag alit naman ako pag may naririnig na mga taong, Filipino naman ay parang walang pakialam sa ating bayan.

Higit sa mga masasakit na katotohanan na mababasa natin sa aklat na ito (sa ngayon ay blog muna kasi walang pampalimbag) at higit sana sa sakit na maaari nating maramdaman sa pagkaalam dito ay makita natin ang katotohanang kailangan nating magbago. Sa munting aklat na ito ay ating subukang tingnan ang mga sulok ng buhay natin bilang Pilipino at sama-sama nating pag-isipan kung ano nga ba talaga ang problema.

Bakit nga ba patuloy na nagdarahop si Juan dela Cruz at bakit ang ilan sa atin ay sawang-sawa nang maging isang katulad niya? Samahan ninyo ako sa pagtuklas at sa pagsagot sa mga katanungang matagal ng gumugulo sa ating isipan.

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: