Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Wednesday, August 6, 2008

Ugali ni Juan: Bayanihan

Marami ang nagsasabi na ang ugali raw ng isang tao ang isa sa pinakamalaking dahilan ng kanyang pag-unlad o pagbagsak. Malaki rin ang papel na ginagampanan nito sa kanyang pang-araw-araw na buhay gaya ng mga desisyong kanyang ginagawa, mga prayoridad niya sa buhay at mga bagay na kanyang pinahahalagahan. Tayo bilang mga Filipino ay may mga ugaling minana natin sa kung saan-saang lahi, sa mga Tsino, Kastila, Amerikano at maging sa Hapon. Ang Pilipinas na yata ang pinakamaraming bansang gusting sumakop sa Asya. Sabagay, napakaganda nga naman n gating bansa at ang mga likas na yaman nito ay talagang katakam-takam sa mga mata ng mga dayuhan.

Ang pagkakaroon ng maraming lahi sa dugo ng mga Filipino ang siyang nagging dahilan upang magkaroon ito ng sami’t-saring ugali na minsan ay mahirap ding intindihin pero karaniwan ay kumikinang ito sa kanyang pagkatao. Ilan sa mga ugaling ito ang kanyang pagiging likas na matulungin sa kapwa, pagmamahal sa pamilya, pagtanaw ng utang na loob at likas na sipag at tiyaga. Subalit may mga ugali ring napasama sa ating mga Filipino na siyang nagdala sa atin sa kalagayang ating kinahantungan ngayon, kasama na rito ang pinakamalaking salik na kawalan ng tiwala sa sariling kakayahan.

Bilang pagkilala sa ating pagkatao ating tingnan ang mga ugaling likas sa ating katauhan at simulan natin ito sa mga kalakasan ng ugali nating mga kabilang sa lahi ni Juan :

Bayanihan

Ang Bayanihan ay nagmula sa kaugalian noong una na kung saan ang mga magkakapitbahay ay nagtutulung-tulong upang ilipat ang bahay ng isang kasamahan o kaibigan. Sa kabuuang termino ang bayanihan ay masasabing ang sama-samang pagtutulungan upang matapos ang isang bagay. Masasabi nating ang EDSA People Power Revolution ay isang uri ng bayanihan kung saan nagtulungan an gating mga mamayan upang mapatalsik ang diktador na si Marcos, ganun din ang nangyari sa iba pang mga sumunod na “rebolusyon,” bagama’t habang tumatagal ay naitatanong natin kung isa nga ba itong magandang uri ng bayanihan.

Sadyang napakaganda ng ugaling ito ng Filipino kaya nga noon pa mang panahon ng mga Kastila at maging noong tayo ay di pa nasasakop ng kahit sino ay nagbabayanihan na ang mga tribo sa ating bansa, bagama’t sila ay walang pananaw sa ideya ng iisang bansa. Isa pa sa pinakamalaking nagging resulta ng bayanihang ito ng mga Filipino ay ang pagpapatalsik sa mga mananakop na Kastila, na masasabi nating kahit hindi pa man dumating ang mga Amerikano ay talo na natin ang mga mananakop na ito.

Sa paglipas ng panahon ang ugaling ito ng mga Filipino ay dahan-dahang namamatay. Bagama’t may bayanihan pang nagyayari sa iba’t-ibang pamilya at grupo sa ating bansa ito ay nananatiling nakakulong sa sariling pamilya o grupo at maging sa mga pamilya at grupo mang ito ay may mga tao pa rin na sadyang sinisira ang pagbabayanihang ito. Napakalaki sanang tulong kung ang konsepto ng bayanihan ay mamamayani sa bawa’t pamilya at grupong Filipino gaya ng mga NGO na kung ating bibilangin at pagsasama-samahin upang magtulungan ay maaaring makagawa ng napakalaking tulong at pag-unlad sa ating bansa. Pumalit sa bayanihang kaugalian ang pagpapagalingan ng mga indibidwal, pamilya at grupo. Nagpapagandahan ng mga nagawa ang iba’t-ibang grupo at kung mamalasin pa ay nagsisiraaan pa ang mga ito.

Ihalintulad na lang natin ito sa aking naranasan ng ang aming samahang “Brotherhood of Destiny (BROOD)” ay mapasama sa mga nakatakdang mag-organisa ng gaganapin sanang Pambansang Talakayan Ukol sa Katiwalian. Sa mga ginanap na pagpupulong ay layunin ng isasagawang talakayan o “summit” na mapalawak ang partisipasyon ng mga indibidwal at organisasyon sa paglaban sa katiwalian. Napakaganda ng mga nagging talakayan at sadyang naramdaman ko ang marubdob na pagnanais ng mga kasamahan ko sa pulong na masolusyunan ang problemang ito subalit may isang grupo na sadya atang gusting kunin ang ideyang nabuo ng grupong ito. Sinabi nila na hindi na raw akma ang naturang paraan ng paglaban sa katiwalian at sila man daw ay nagawa na iyon. Sa pangyayaring ito ay nagtalo-talo ang mga grupo at nagkampihan hanggang sa tuluyan ng mawala ang plano. Sadyang ang ganitong mga bagay ay hindi maiiwasan sapagka’t sa panahon ngayon halos lahat ng grupo ay gusting umeksena. Napakasakit isipin na ang mga magagandang proyektong gaya nito ay nauuwi lang sa wala dahil na rin sa kawalang ng pagbibigayan ng bawat isa.

Kung maibabalik lang sana natin ang tunay na diwa ng bayanihan, malamang mas madali tayong aahon sa kahirapan at mga problemang ating kinakaharap ngayon. Sa halip na magtalo-talo at magbanggaan ng mga indibidwal at grupo sana ay mapag-usapan nila kung paano nagkakaisang harapin ang mga problema at kung paano paghahatian ang mga bagay na dapat solusyunan. Sabi nga ng isang Ingles na manunulad, “There is power in Unity” o mayroong kapangyarihan sa pagkakaisa at iyon ay ang bayanihan.

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

1 comments:

Anonymous said...

hi