Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Sunday, September 28, 2008

Filipinas: A Movie that Mirrors the Philippine Society

Kakapanuod ko lang ulit sa Pinoy Box Office Channel o PBO ng pelikulang Filipinas. Kasama sa mga artista sina Armida Siguion Reyna bilang magulang at masasabi na ring syang kumakatawan sa ating bansa. Ang kanyang mga anak naman ang sumasalamin sa iba't-ibang mamamayan na naninirahan at kanyang inaaruga. Salamin ng pelikula ang malimit na pag-iiringan, pagtatalo at di pagkakasundo kahit nga ba sila ay magkakapatid. Isang pelikula nga lang ba ito o ito ang realidad ng ating bansa?

2003 ng ipalabas ang pelikulang ito at naging entry sa Metro Manila Film Festival. Malaman, puno ng kwento at malalim ang istorya ng pelikula. Sinasalamin nito ang damdamin nating mga Filipino at ang lipunang nabuo ayon sa ating mga pagkilos at damdamin.

Ang mga anak ni Armida na sina Samuel (Richard Gomez) ay isang U.S. immigrant. Siya ang sumasalamin sa maraming Filipino na patuloy na naniniwala na ang Estados Unidos ang kasagutan sa lahat ng suliranin sa ating bansa.

Si Clara naman na ginanapan ni Dawn Zulueta Vicky ay isang Overseas Filipino Worker o OFW. Siya ang sumasalamin sa milyon-milyong Filipino na nagpapakahirap sa ibang bansa para lamang patuloy na mabuhay ang kanilang pamilya. Sila ang tinawag na bagong bayani ng ating bayan na kung tutuusin ay dapat na kasama ang kanilang pamilya.

Si Victor Neri naman ay si Eman ay sumasalamin sa mga lider mangagawa at mga aktibista ng lipunan na patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang karapatan. Ang mga sumisigaw sa kalsada at inaalay ang buhay para lamang ipaglaban ang hustisya.

Si Wendell Ramos ay si Narciso isang opisyal ng militar. Katulad rin siya nina Trillanes, Querubin at iba pang maprinsipyong militar na naniniwala na kaya pang baguhin ang nabubulok ng sistema ng ating bansa.

Si Vicky na ginanapan ni Aiko Melendez ay sumasalamin sa tipikal na negosyanteng pinoy na sa kabila ng pagsisikap at hirap ay nalulugi dahil sa di makayanang kompetensya sa pamilihan. Pamilihang binabaha ng mga murang produkto mula sa ibang bansa.

Si Maricel naman ay si Yolanda na nagsisilbing tagakwento sa istorya at sumasalamin sa karaniwang babaeng Filipino na inilaan ang kanyang sarili at buhay para sa pamilya. Mga taong nakahandang isakripisyo ang lahat para lamang mapanatiling buo ang pamilya.

Ang pelikulang ito ay sumasalamin sa kung ano tayo at kung saan tayo patungo. Ang mga ipinakitang imahe ng pagwewelga, bilihan ng boto, inggit at iba pa ay ang lipunang ating ginagalawan.

Ang pagka comatose ng kanilang ina ay sumisimbolo sa ating bayan na naghihingalo at ang mga anak niya sa banadang huli ay ang mga taong patuloyna nagpupunyagi at umaasa na babangon muli ang ating bayan.

Ito rin ang lipunang pagod na pagod na ang ilang Juan dela Cruz. Ikaw ba pagod ka na? May pag-asa pa ba ang ating bansa?

Isa lang ang masasabi ko, hanggat may mga taong naniniwalang kaya nating magbago at nagmamalasakit para sa ating bayan at kapwa Filipino... MAY PAG-ASA PA! Huwag ka lang maging mamamayan... makiambag ka at kumilos sapagkat ikaw ay anak ng Pilipinas.



Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: