Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Wednesday, October 22, 2008

Ang Sistema ng Karahasan sa Bayan ni Juan

Nakakalungkot isipin na patuloy pa rin ang nagaganap na karahasan sa ating bayan. Maraming mga aktibista na tumatawag ng pagbabago at pumupuna sa mga kamalian ng ating bayan ang kung hindi pinapatay ay nawawala o kaya ay sinisiraan. Tulad na lamang ng ngayon ay nangyayari kay Pampanga Governo Ed Panlilio na sinasabing umabuso. Subalit highit pa roon ay nais ko namang ibahagi ang isang artikulo na naglalaman ng mga karahasang sinasabing kagagawa raw ng militar. Eto po ang kuwento...

Buto at ilan pang palatandaan ng malagim na kaganapan sa Limay
Raymund B. Villanueva

NAGHIHINTAY sa dalang pananghalian ng kanyang tatay sa kanilang paaralan sa Subic, Zambales si Shara Hizarsa noong Marso 22, 2007. Pagdating nito magsasalo silang mag-ama sa pagkaing araw-araw niluluto at inihahatid ni Abner. Ito na ang kanilang regular na gawain simula noong tumigil ang kanyang ama sa pagiging kasapi ng kilusang lihim dahil sa sakit.

Pero walang Tatay Abner na dumating para sa pananghalian ng bata noong araw na iyon.

Labingsiyam na buwan na ang nakalipas, wala pa ring tatay na naghahatid ng pananghalian kay Shara.

Noong nakaraang Lunes, Oktubre 13, ginunita ni Shara ang kanyang ika-labindalawang kaarawan. Noong araw na iyon, hindi niya kasama kahit ang kanyang nanay na si Criz. Sumama si Nanay Cris sa mga kamag-anak ng mga dinukot at nawawala sa ilalim ng gobyernong Arroyo sa isang fact-finding mission sa Barangay Bliss, Limay, Bataan.


Kampo ng kalupitan

Sa araw na iyon 50 kasapi ng Karapatan at Desaperacidos, kamag-anak ng mga biktima, kagawad ng Commission on Human Rights (CHR) and mga anthropologist ng Unibersidad ng Pilipinas (sa pangunguna ni Dr Francisco Datar) ay nagsadya sa isang abandonadong kampo ng militar malapit sa makasaysayang monumento ng Bundok Samat.

Naghukay sila ng maraming beses sa pag-asang makakakita sila ng labi ng mga pinatay ng Philippine Army. Pinangunahan sila ni Raymond Manalo, isa sa dalawang magkapatid na nakatakas sa mga kagawad ng 24th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division ng Philippine Army. Ayon kay Raymond, dinala sila ng mga sundalo sa naturang kampo noong ika-21 o 22 ng Nubyembre 2006.

Matapos ang isang lingo, nakita nila ang nawawalang mag-aaral ng UP na si Karen Empeño at ang magsasakang si Manuel Merino. Matapos pa ang isang linggo, nakita naman nilang dinala sa kampo si Sherlyn Cadapan, isa pang dinukot na estudyante ng UP. Marami pang ibang biktima ang dinala sa kampo na kung hindi man pinahirapan ay patay na ng dumating.

Pinilit sina Raymond na magtayo ng mga kubo, magluto, maglinis, mag-igib at maglaba para sa mga sundalo sa pangunguna ng isang Major Donald “alyas Allan” Caigas. Nakita rin niya kung paano ibitin ng patiwarik ang mga estudyante sa tig-isang paa lamang samantalang sinasaksak ng kahoy ang maseselang bahagi ng kanilang katawan.

Tuwing pansamantalang matatapos ang pagpapahirap, inutusan si Raymond na linisin ang dugo at dumi ng mga biktima at labhan ang kanilang duguang mga damit. Ayon kay Raymond, maraming beses siyang natutulog na umaalingawngaw ang mga hiyaw at pagmamakaawa ng mga babae sa kanyang tenga.

Sa kanyang sinumpaang salaysay, sinabi ni Raymond na makailang beses silang dinala ng kanyang kapatid na si Reynaldo at Merino ng mga sundalo sa pangangalabaw at pagpatay ng mga magsasaka sa mga kapaligid na barangay. Layon ng mga operasyon na maibintang sa New People’s Army ang mga pagnanakaw at pandarambong at upang magalit ang taumbayan sa mga rebelde. “’Operasyon Lubog’ ang tawag nila rito,” ayon kay Raymond.

Isang madilim na gabi noong Hunyo 2007 kinuha si Merino ng mga sundalo mula sa kanilang selda. Sinabi sa matanda na kakausapin daw siya ni Major General Jovito S Palparan (ngayo’y retirado). Makalipas ang ilang minuto nakita ni Raymond na dinadala ang nakaposas na si Merino sa isang madawag na lugar 50 metro ang layo mula sa bakod ng kampo. Mula sa kanyang kinatatayuan narinig ni Raymond ang isang pagulat na hiyaw, na sinundan ng dalawang putok ng baril.

“Siguro hindi nadale sa saksak, kaya binaril,” ani Raymond. Pagkatapos ay nakita ni Raymond na may sinusunog sa lugar ng ilang oras. Kinaumagahan sinabihan si Raymond na huwag nang hanapin ang matanda dahil pinagsama-sama na silang tatlo nina Cadapan at Empeno. “Pinatay si ‘Tay Manuel dahil sabi ng militar matanda na siya,” ani Raymond.

Sa sumunod na buwan ng Hulyo ang magkapatid ay dinala sa Bolinao, Pangasinan para higit pang alipinin sa bukid na pag-aari ni Caigas. Dito sila nakatakas sa gabi ng Agosto 12.


'Malinaw at kapani-paniwalang testimonya'

Nagpapalit-palit ang matataas na opisyal at gubyerno sa pagpapasinungaling sa salaysay ni Raymond. Sinabi nilang walang kampo ng militar sa Barangay Bliss, Limay, Bataan. Ayon kay Defense Secretary Gilbert Teodoro at dating Armed Forces Chief of Staff Hermogenes Esperon Jr. na “walang basehan” ang testimonya ni Raymond.

Sinabi ni Lt. Gen. Isagani Cachuela, kumander ng Northern Luzon Command ng Army na wala siyang nalalaman sa kampo ng military sa Brgy. Bliss. Ito rin ang pahayag ni Maj. Gen Ralph Villanueva, kumander ng 7th ID na siyang mga hurisdiksiyon sa 24th IB. Noong nakaraang Setyembre 20 sinabi ng tagapagsalita ng Army na si Lt Col Romeo Brawner na walang Cadapan, Empeño at Merino ang natagpuan sa anumang kampo ng militar kung saan sila pinaniniwalaang dinala.

Pero nagkakaisa ang mga residente ng Barangay Bliss na dating may kampo nga ng militar sa kanilang lugar. Mismong ang dating bise gobernador ng Bataan na si Rogelio Roque pa ang nagkumpirma sa dating kampo dahil pagmamay-ari niya ang loteng katabi ng kampo.

Nakumbinsi naman ang Court of Appeals (CA) at Korte Suprema na sa kabila ng paulit-ulit na pagtanggi ng militar ay “makatotohanan,” “kahindik-hindik” at “malinaw” ang testimonya ni Raymond.

Noong Oktubre 6 sinangayunan ng Korte ang desisyon ng CA na bigyan ng pribilehiyo ng writ of amparo ang magkapatid na Manalo bilang proteksiyon laban sa mga puwersa ng Estado. Sinang-ayunan din ng Korte ang maaaring pagkakasala ni Palparan sa pagdukot sa magkapatid, gayundin kina Cadapan, Empeno, Merino at iba pa. Ibinasura rin ng Korte ang isinagawang imbestigasyon ng 7th ID na “napakalimitado, minadali at maka-isang panig.”

Sinabi naman ng tagapangulo ng CHR na si Atty. Leila de Lima na “Ang magkapatid na Manalo ang siyang mayroong pinaka-signipikanteng testimonya sa mga pagpatay at pagdukot.”


'Patutunayan ko sa kanila na tama ako'

Isang linggo matapos ang pagbibigay ng pribilehiyo ng writ of amparo pinangunahan ni Raymond ang fact-finding mission sa kampo ng military sa Barangay Bliss. Bago pa sumikat ang araw naituro na ni Raymond sa mga taga-Karapatan ang eksaktong lugar kung saan dating nakatirik ang mga kubo ng mga sundalo at kung saan maaring ibinaon ang mga biktima.

Ang iba naman ay nagsipagtayo ng mga toldang tutulugan ng mga kasapi ng misyon. Kitang-kitang pinagsumikapang itago ang lahat ng bakas ng kampo. Ang mga semento ay binakbak at itinapon sa kawayanan isang daang metro ang layo sa sentro ng dating kampo. Wala nang hukay ang mga banyo at hinugot na rin ang mga tubo ng tubig. Subalit, sa gitna ng mga ligaw na bulaklak at sa ilalim ng nagtatayugang puno ng mangga, malinaw na naituro ng saksi ang lahat ng istraktura ng kampo.

“Hindi ko aakalaing babalik pa ako rito. Takot ako, nanginginig, giniginaw. Noong una kaming dinala rito, akala namin ay isa-salvage na kami,” ani Raymond.

Pagdating ng mga taga-CHR ng alas-10 ng umaga, handa na ang Karapatan na maghukay at magdokumento ng anumang matatagpuan sa lugar.

Pagkapananghali, dumating si de Lima mula sa Maynila. Naglibot ito sa kampo, gayundin sa mga inakalang hukay ng mga pinatay na biktima. Nag-utos din siya sa mga kawani ng ahensiya na maghanap ng mga dagdag na tagahukay dahil sa nakitang hirap ng mga taga-Karapatan. Mabato at matigas ang lupa lagpas ng isang piye’t kalahati.

Negatibo ang resulta ng unang apat na hukay subalit nagkalat sa lugar ang maliliit na ebidensiyang naiwanan ng tao – mga sunog na mantel, sapatos, kahoy, at iba pa. Ang isang piraso ng damit na nakita ay maaring kay Cadapan, ayon kay Raymond. Kinumpirma naman ng mga eksperto ng UP na naistorbo ng kakaibang aktibidad ng tao ang natural na kaayusan ng lugar.

Sa takipsilim ng unang araw ng misyon, isa pang hukay ang sinubukan ng pangkat. Tinaya ng mga eksperto na ito ay may pag-asa dahil malambot pa ang lupa matapos ang dalawang piye ng paghuhukay. Saka nag-utos ang mga eksperto na ihinto na muna ang paghuhukay dahil madilim na.


Gabi sa kampo

Pagkagat ng dilim, nagsindi ng mga makalumang “petromax.”

Sa ilalim ng mapusyaw na ilaw ng mga ito, naghapunan ang mga tatlumpung natitirang kasapi ng misyon samantalang nagbantay sa gilid ng kampo ang isang iskuwad ng Philippine National Police-Regional Mobile Group. Bago pa man natapos ang hapunan bumuhos ang napakalakas na ulan na nagsalya ng mga tolda at bumasa ng mga damit at kagamitan. Ang ilang kamag-anak ng mga biktima ay bumalik muna sa Maynila para sa kanilang seguridad, gayundin ang ilang mga mamamahayag. Saka lamang dumating ang ipinangakong generator mula sa CHR-Gitnang Luson.

Pagdating ng alas-siyete ng gabi, habang sumisilip ang buwan sa numinipis nang mga ulap, sinubukan nang matulog ng kampo. Paglaon, tanging mga huni na lamang ng mga insekto’t ibon ang maririnig na panaka-nakang binabasag ng hilik ng mga pagod na kasapi ng misyon. Kahit ang mga pulis ay natulog na rin sa kanilang mga tolda at sasakyan.


'Breakthrough'

Nag-usap muna ang CHR, mga eksperto at ang Karapatan sa pag-uumpisa ng ikalawang araw ng misyon. Nagpahayag ng kumpiyansa si Dr Datar na nagsasabi ng totoo ang saksi. Makakahanap daw sila ng kahit maliliit na buto basta matukoy lamang ang eksaktong pinaglibingan ng mga biktima. “Ito ang mga bagay na magkakanulo sa mga salarin,” ika ni Datar.

Subalit walang nakitang matibay na ebidensiya buong umaga. Inabandona ng misyon ang ikatlong lugar na itinuro ng saksi samantalang nagbukas pa sila ng isa pang posibleng lugar ng pinagbaunan ng mga biktima. Muli’t muling kinokonsulta ni Datar si Raymond sa direksiyon kung saan dinala ang matandang Merino noong gabing sinasabi nitong pinatay ang biktima. Pinalakad-lakad nito ang saksi mula sa gilid ng kampo patungo sa lugar ng hukay.

Dito sinabi ni Raymond na natatandaan niyang suot ni Merino ang luma, kulay-dilaw at tatak na “Beach Walk” nitong tsinelas noong huli niya itong makita. Base sa mga sagot ng saksi inutos ng doktor na lawakan pa ng mga tagahukay ang paghahawan nang lugar.

Samantalang nakatayo sa gilid ng dating kampo nakita ni Raymond ang isang shorts na halos natatabunan na ng putik. Dinampot niya ito at sinabing “Shorts ito ni Caigas. ‘Basic Wear’ and tatak. Siya lang ang mayroon nito. Pantulog niya.” Sinabi rin niyang sigurado siya dahil ipinaglalaba niya rin dati ang mga sundalong dumukot sa kanila.Nabuhayan ng loob ang mga naghuhukay ng eksaktong 12:30 ng hapon. Ang inakala nilang sunog na kahoy lamang ay nagluwal ng isang sunog na buto. Agad na sinabi ni Datar na ito ay buto ng tao, kaiba sa maraming buto ng baka at kambing na nagkalat sa lugar.

Bago pa siya nag-utos na itigil muna ang paghuhukay para sa pananghaliaan labinlima pang piraso ng mga buto ang nakita mula sa hukay.

Mas marami pang buto ang nadiskubre nung nagsimula na uli ang paghuhukay. Pagsapit ng 3:45, nakita ang isang dilaw na lumang tsinelas na may tatak na “Beach Walk.” “’Yan ‘yun! Kay ‘Tay Manuel! ‘Yan ‘yun!” sigaw ni Raymond. “Positibo na tayo,” sabi ni Datar. Makalipas ang ilan pang minuto, nakadiskubre rin ng isang singsing at isang buto ng gulugod.

Natagpuan na ang gilid ng hukay pagsapit ng alas-singko. Batay sa mga ebidensiyang nakalap, sinabi ni Datar na sinunog ang bangkay na nakabalot sa kutson ng kama at inilagay sa ibabaw ng gulong at kahoy. Pagkalipas ng mahaba-habang panahon tinanggal ang mga buto at saka tinakpan ng sariwang lupa ang hukay upang itago ang krimen. “Naka-talungko ang porma ng katawan, kaya maliit lang ang hukay,” paliwanag ng eksperto.

Subalit nilinaw ni Datar na wala nang makukuhang DNA mula sa mga buto, Ang mga buto ay pag-aaralan pa sa UP upang makakuha ng dagdag na impormasyon.


Malakas na ebidensiya

Pinuri ni Datar ang katatagan ni Raymond. “May lakas siya ng loob na sabihin (ang nalalaman),” ani Datar.

“Nabuhayan ako ng loob,” ika naman ni Raymond. “Kung wala tayong nakita e di lalo na nilang (militar) sasabihing sinungaling ako,” dagdag nito.

Kumpiyansa rin ang abugado ni Raymond na si Rex Fernandez sa resulta ng misyon.

“Napatunayan ang mga sinabi ni Raymond hinggil sa pagdukot at pagpatay ngayon. Dagdag pa, sinadyang linisin ang lugar para itago ang krimen. Kung titingnang mabuti, malaki ang kampo. Hindi ito hinimpilan pansamantala kundi sa matagal na panahon. Na may kinalaman dito si Palparan ay napatunayan din sa lahat ng mga kaso. Inaasahan naming susubukan ng militar na balewalain ang resulta nitong misyon subalit kapani-paniwalang testigo si Raymond,” ayon kay Fernandez.

Nais ni Fernandez na ideklarang lugar ng krimen ang lugar para ipagpatuloy ang paghuhukay at imbestigasyon. “Dapat ding tanungin din ang mga taga-rito,” dagdag nito.


Natapos ang misyon, nagpapatuloy ang paghahanap sa katarungan

Bago pa dumilim sa ikalawang araw ng misyon, muling natabunan na ang mga hukay. Naligpit na rin ang mga tolda at kagamitan. Nagtanim ng krus ang mga kamag-anak ng mga biktima yari sa mga sangang galing sa lugar. Namitas sila ng mga ligaw na bulaklak na inalay sa biktima. Nagsindi rin sila ng mga puting kandila sa paligid ng mga batong ginamit upang takpan ang mga hukay.

Nakakalitong lungkot at pag-asa ang naramdaman ng mga kamag-anak ng mga biktima, tulad ni Cris Hizarsa. “Katulad ng ibang mga pamilyang naghahanap, umaasa akong hindi kasama ang asawa ko sa mga pinatay dito. Yun ang pag-asa ko at ng mga anak ko. Sana, yun ang regalong maiuuwi ko sa kaarawan ni Shara.”

Tinungo ni Raymond sa huling pagkakataon ang pinaglibingan ni ‘Tay Manuel. Sinamahan siya ng mga taga-Karapatan at ni Dr Datar. Pinili ng mga taga-CHR na huwag sumama. Pinangunahan ni Fr. Diony Caballes ang pag-aalay ng panalangin na sinundan ng mga sigaw ng “Katarungan!”

Saka umiyak ang lahat. Masaganang luha ang tumulo sa mga mata ni Raymond samantalang nakahukot ang balikat nito sa pisikal at emosyonal na sakit na dinaranas. Kahit ang ekspertong si Datar ay naluha at nakatungo sa nasaksihan.

Habang lumulubog ang araw sa likod ng Bundok Samat naglakad palayo ang mga kasapi ng misyon. Nagmistulang higit na ulila ang libingan, kasalo lamang ang ilang nakasinding kandila sa gitna ng lumulukob na kadiliman. Si Raymond ang huling tumalikod sa puntod upang iwanang mamukadkad ang mga ligaw na bulaklak na saksi sa mga kalupitang ngayon lamang masisilayan ng liwanag.


Si Raymund Villanueva ay mamamahayag mula sa Koda Productions Inc.


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

3 comments:

Allure said...

Nakakatakot namang mga pangyayari ang naganap. Parang Martial Law. Pero bakit di man lang nailathala sa mga pahayagan ang ganyang uri na mga kaganapan?

Shen said...

Karamihan sa mga ganito ay hindi naman lumalabas sa mainstream media ... pero ang katotohanan ay maaring naitatago rin sa ating lahat.

Nais ko lamang bigyan ng pagkakataong maibahagi sa iba ang kanilang sinulat.

Iliana said...

Hello, my name is iliana and I would like to offer you one month free advertising of your choice in FreeMovieOnly.com. For more details please visit http://www.freemovieonly.com/2008/10/urgent-we-need-your-help.html

Thank you in advance