Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Monday, November 3, 2008

Tula Laban sa Genetically-Modified Organisms o GMO

Nagpapasalamat ako sa may-akda ng tulang ito at naipadala niya ito sa aking e-mail. Sadyang malaman at nakakabukas ng isipan ang tulang ito ukol sa GMO o Genetically-Modified Organism. Ang GMO ay isa sa mga isyung tumitindi ang labanan sa pagitan ng mga pro at anti. Ikaw ba papayag ka ba na pakialaman ang pagkain mo at lagyan ng mga bagong karakter na hindi mo alam kung ano ang epekto sayo? Para sa aking dapat na maging maingat tayo sa pagtanggap ng mga ganitong bagay at dapat sana ay magkaroon ng labelling ang mga produkto kung sila ba ay may GMO o wala.

Eto na po ang tula mula kay Gregoria V. Bituin Jr.

DYENOSIDYO NG MGA BINHI
(isang tula laban sa genetically-modified organism)
ni GregoRio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod



Ano bang nangyayari sa sandaigdigan
Bakit pati selula'y pinakialaman
Ginawa ba nila'y sagot sa kagutuman
O ito ba'y kagaguhan at kahangalan?

Bakit kailangang baguhin ang selula
Para bumilis daw ang paglago ng bunga
Nitong puno, halaman, hayop at iba pa
Upang matugunan daw ang gutom ng masa?

May nagsasabing sagot sa kalam ng tiyan
Ay retokehin na yaong pinagkukunan
Ng pagkain mula gubat at kabukiran
Nang di magkulang ang nasa hapag-kainan.

Ngunit wala naman itong kasiguruhan
Kung genes ng lamok ilalagay sa halaman
At wala na ring buto ang ibang dalandan
Kaya binhing pantanim ay mababawasan.

Ang paniniwala nila'y di ko mawari
Pagkat sila nga'y puno ng pagkukunwari
Kung sino raw ang may kontrol ng mga binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari.

At bayani raw silang dapat maturingan
Gawa daw nila'y sa ngalan ng kaunlaran
Binalewala na ang mga karapatan
Ng magsasakang bumubuhay sa lipunan

Kailangang bilhin na nitong magsasaka
Ang mga binhi sa kumpanyang nagbebenta
Pagtatanim ng binhi'y di na basta-basta
Pagkat binhi'y kontrolado na ng kumpanya.

Nangyayari'y dyenosidyo ng mga binhi
Na pakana nitong mga kumpanyang imbi
Binhi'y inuubos na nilang unti-unti
Sa lupang sakahan ng iba't ibang lahi.

Tanging alam kong nag-uudyok sa ganito
Ay dahil ang sistema pa'y kapitalismo
Kung paano tutubo ang tanging motibo
Ng kapitalistang tulad nitong Monsanto.

Kapag pinayagan nating magpatuloy pa
Ang pinaggagawa ng ganitong kumpanya
Tiyak na ang tao'y sa kanila sasamba
Pagkain at sistema'y kontrolado nila.

Tandaang tinurang prinsipyo nilang imbi
Na kung sino raw ang may kontrol nitong binhi
Ang sila raw ditong sa mundo'y maghahari
Nagaganap na ang dyenosidyo ng binhi.

Halina't magpatuloy sa pakikibaka
Laban sa sistemang nagbunsod nitong dusa
Dyenosidyong ito'y dapat mapigilan pa
Tayo'y magkaisang baguhin ang sistema.


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

2 comments:

Allure said...

Di na tayo kasi sigurado kung wala na nga nailalagay na iba na mga kemikal o organismo sa pagkain natin. unless may laboratoryo tayo sa bahay natin para masuri ng mabuti ang mga kinakain natin. mas mabuti ung magtanim na lang tayo at mag alaga ng sarili nating pagkain gaya nung mga unang panahon. dun nakakasigurado tayo na malinis pagkain nati8n. yung mga de lata at mga instant na pagkain madami nang mga kemikal yun. yung tocino nga lang na nabebenta at saka mga chicherya pati na yung pagkain na nabibili sa may kanto. kun gusto talaga ng malinis na pagkain, tayo mismo ang magsaka ng bigas, magpalaki ng mga baboy at baka at manok, at tayo ang magluto.

Shen said...

Yun nga ang isa sa pinakamabisang paraan at tinatawag nila itong organic agriculture.