Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Tuesday, December 30, 2008

Bakit Problemado Ang Pilipinas? (Why is the Philippines Problematic?)

Nais ko pong ibahagi sa inyong ang artikulong nabasa ko sa aking email na isinulat ni Kenneth Entero Regañon na sumasagot sa tanong na "Bakit Problemado ang Pilipinas?" Ang artikulong ito ay sumasalamin sa kanyang pananaw at mga personal na karanasan dito sa ating bansa. Sana po ay kapulutan natin ng mga positibong solusyon at gawing hamon sa bawat isa sa atin.

BAKIT PROBLEMADO ANG PILIPINAS?

Pasulong ang presyo ng mga bilihin. Tila kahapon lang dose pesos ang pamasahe ng tricyle sa amin, ngayon labing anim na piso na. Sampung piso ang itinaas ng singil sa taxi. Lang-hiya. Maglakad nalang kaya ako? Ang dating kaning nabibili ng sampung piso sa restawran, kinse pesos na. Kung hindi ito krisis, ewan ko na lang.


Wala pa ring trabaho si kapitbahay ko. Mahigit walong taong nakalipas, jeepney driver pa rin si manong. Dumarami na rin ang mga bata sa langsangang nanlilimos. Nagkakagulo at naguunahan ang mga tao, lahat gustong makasali sa Wowowee. Di na makareply tinitext ko dahil walang load (kainis). Lagi nalang nanghihingi ng papel at nanghihiram ng bolpen kaklase ko. Payaman nang payaman ang mga politiko, pahirap nang pahirap si kapitbahay ko.

—–

Hindi biro ang kinahaharap ng ating bansa ngayon.

Sino ang salarin?

Madalas ay ibinibintang natin ang mga suliranin ng bansa, tulad ng nabanggit, sa gobyerno- sa mga taong nasa posisyon, sa mga taong nahalal, sa mga taong pinagkatiwalaan. Sa araw-araw na buhay na ginawa ng Diyos, pansin ang pagpakita ng protesta at di pagsang-ayon sa langsangan, sa paaralan, at maging sa mga munting tahanan at bara-barangay. “Ibagsak, ibagsak!” “Patalsikin si…” Oo nga naman, ipinagkatiwala nga naman natin sa gobyerno ang pamamahala sa bansa. Malaki ang responsibilidad at pananagutang pinapasan ng punong barangay, konsehal, alkalde, gobernador, kongresista, pangalawang pangulo, at lalung-lalo na sa pangulo ng Pilipinas. Kaya nararapat lamang na hingin ng taumbayan ang ikasasakatuparan ng kani-kanilang mga pangako at tungkulin. Nakasalalay sa kanila ang ikauunlad ng bayan(?).

Ngunit naisip na rin ba natin, kahit minsan, na may pananagutan din tayo sa bansa? Na ipinagkatiwala ng Pililpinas sa ating mga Pilipino ang ikauunlad niya? Na inaasahan din ng gobyerno ang tulong at kooperasyon nating mga sakop nito? Na may kapantay na pananagutan tayo, bilang mga Pilipino, sa pangulo ng Pilinas? Na bawat isa sa atin ay may kinalaman kung ano man ang kalagayan ng bansa ngayon? Na dumudumi ang palagid sa tuwing pagtapon natin ng basura at pagdura sa langsangan? Na dumarami ang nagpapasuhol sa tuwing dadami ang nanunuhol? Na napeperwisyo ang daloy ng trapiko sa tuwing tatawid tayo sa maling tawiran? Na dumarami ang mga ganid sa kapangyarihan sa tuwing pangalan nila ang sinusulat natin sa balota? Na laging may pinpatalsik na pinuno? Na isinisisi natin lahat sa pangulo? Na hindi natin isinisisi ang ating sarili?

Ang Pilipinas ay parang boksingero. Kung nakapikit ang mga mata, kahit gaano katalas ang pandinig,pang-amoy,pandama, kahit gaano pa kalakas, hindi niya maiilagan ang suntok ng kalaban. Tatanggap at tatanggap na lamang siya ng suntok hanggang sa bumaksak at matalo sa laban. Ang Pilipinas ay sistema. Bawat kasapi ng sistema ay nakakaapekto sa pagganap ng buong sistema. Ang Pilipinong hindi nakikialam sa mga pangyayaring nagaganap sa Pilipinas, ang dahilan kung bakit subsob sa problema ang bansa.

Sa dinami-dami ng problema ng Pilipinas, poproblemahin pa ba nito ang mismong mga Pilipino? Kung walang magpapasabog ng kung anu-anong bomba sa paligid, kung walang manggagahasa kay Neneng, kung walang manununtok, kung walang mandurugas, magnanakaw, kung walang mandadaya, kung walang maninipa ng aso, kung walang magtetext sa tuwing magmamaneho, kung walang mangangantiyaw sa mga bading, at kung walang mamemerwisyong Pilipino sa kapwa Pilipino, uunlad sana ang bayan.

Oo, kurakot ang mga nasa gobyerno. Magnanakaw sila! Ayaw natin sila! Wala tayong pakialam sa kanila! Ngunit naitanong na ba natin sa sarili kung gusto tayo ng gobyerno? Kung karapat-dapat tayong paglingkuran? Hindi ko pinagtatanggol ang mga kurakot, balasubas, at mga magnanakaw na nasa gobyerno. Hindi nga naman sila karapat-dapat ipagtanggol. Ang sa akin lang, matuto sana tayong makihimok, makialam, sa mga kaganapang nakapaloob sa bansa. Kahit si George W. Brown pa ang pangulo natin, walang ring mangyayari kung hindi tayo magtutulungan.

“T@%& I%@ naman ‘tong pangulo natin, walang ginagawa.”

Yan ang kadalasang asal natin. Pero kung tutuusin, higit na marami ang ginagawa ng pangulo ng Pilipinas kaysa sa karamihan sa atin. Imposible namang kahit isa walang nagawang mabuti ang pangulo, ngunit hindi imposible na kahit isa wala tayong nagawa o ginagawa para sa ikauunlad ng bayan. Naisip na ba natin na napakahirap ang trabaho ng pangulo? Mahigit 60 milyong katao ang iniintindi ng pangulo. Oo, sabihin na natin na marami ring mga pagkakamali at kalokohan ang nagawa. Pero hindi yan ang punto ko. Ang punto ko, mas mahirap maging pangulo ng Pilipinas kaysa sa manood ng masamang balita sa telebisyon (tulad ng pagtaas ng presyo ng bilihin), pagkatapos ay sisihin na ang pangulo sa lahat ng bagay. Di hamak naman na mas mahirap ang trabaho ng pangulo kaysa sa paglalaro ng baraha sa tapat ng tindahan ni Aling Rosing. Hindi ba?

Ang bagong Pilipinas ay makakamtan lamang kung bawat isa sa atin ay ginagawa ang obligasyon at responsibilidad bilang Pilipino. Tumawid na tayo sa pedestrian lane, ibulsa nalang muna natin ang basura kung walang makitang basurahan, huwag na tayong manunuhol, magbasa tayo ng dyaryo.

—–

Bilang Pilipino inaasahan na paglilingkuran natin ang pamahalaan, kapwa Pilipino, at syempre ang Pilipinas.

http://kennethreganon.blog.friendster.com


KENNETH ENTERO REGAÑON

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

2 comments:

tupamoro said...

tama naman ang ibang punto...pero naniniwala ako na kalakhan sa ating kababayan ay ginagawa ang mga dapat nilang gawin para sa ikauunlad ng ating bayan.

sa maraming pagkakataon, ang mga gumagawa ng matino na hindi na nga umaasa sa gobyerno ay pineperwisyo naman ng gobyerno. hindi ba natin napapansin na kahit silang mga nakaupo sa pmahalaan ay walang tiwala sa pamahalaan na pinapatakbo nila.

malalim ang problema ng bansa natin at ang mga protesta at demonstrasyon sa lansangan ay manipestasyon na may ginagawa ang bawat simpleng mamamayan para umunlad ang bansa natin.

...at ang hinahapag ng sumulat na gusto nyang solusyonan ay mga mabababaw na problema na sa katunayan naman ay ginagawa na rin ng mga Pilipino.

Shen Brood said...

May ginagawa nga ba talaga ang bawat Pilipino? Tingnan na lang natin ang pagkakaroon natin ng disiplina, ang pagtatapon ng basura, ang pagsunod sa batas trapiko, ang pagtangkilik sa ating sariling produkto, ang pagiging makabayan... ating pagmasdan kung ilan ang gumagawa ng tama at kung ilan ang hindi. Siguro kung ang mamamayan ay magdedesisyong gumawa ng tama at nararapat mas malaki ang magagawa nito sapagka't mas malaki siya kesa sa mga pulitiko.