Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Wednesday, December 31, 2008

Predictions for the Philippines for 2009 and Looking Back at 2008

Ang 2008 ay taon ng napakaraming kontrobersya para sa ating bansa. Ito ang taon na kung saan nagsulputan ang napakaraming anumalya na inakala ng marami ay makakpagpabagsak kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Subalit gaya ng inaasahan ng kanyang mga kakampi ay hindi ito nangyari. Napagtakpan ang mata ng hustisya at patuloy na naging bulag ang marami. Siguro sabi nila baka magaya sila sa pagpapalit kay Erap na sa huli ay wala rin naman palang gagawing kabutihan ang papalit sa kanya. Kaya kahit anupaman ang maging resulta ng kaso ni Jocelyn "Joke-Joke" Bolante, ng Impeachment, ng Oust Gloria Movement at ng Euro Generals... si GMA ay mananatili hanggang 2010... pwera na lang kung maasassinate ang ating Pangulo.

Pero looking at the bright side marami pa rin namang magandang nangyari sa ating bayan. Dahil sa mga naipasang panukala ni GMA noong 2008 at mga nagdaang taon ay hindi masyadong naaapektuhan ang ating bansa ng global financial crisis. Nananatiling matatag ang ating ekonomiya at handa ang ating pasmahalaan sa anumang pagsubok. Nalampasan ng administrasyon ni PGMA ang krisis sa bigas at ang krisis sa langis na totoo namang nagpahirap sa ating taumbayan/ Sa pagdating ng Pasko ng 2008 ay nagbunyi ang mamamayang Filipino sapagkat hindi naging malungkot ng kanilang pasko.

Naging magulo rin ang taong 2008. Nag collapse ang tinatawag na Memorandum Of Agreement on Ancestral Domain o MOA-AD sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Sumiklab muli ang kaguluhan sa Mindanao na kung tutuusin ay dahil sa mga makasariling interes ng mga mayayaman at sakim na pulitiko na ayaw isauli sa mga Moro at Lumad ang kanilang pag-aari na kinamkam at ipinagkait sa kanila simula pa noong panahon ng mga Amerikano. Noong ika-26 ng Disyembre 2008 ay muling nagpahayag ng pagnanais na makipag-usap para sa kapayapaan ang MILF at ito ay bilang tugon na rin sa ginawang hakbang na pagbuo muli ng GRP Peace Panel. Sana sa pagkakataong ito at sa 2009 ay magkaroon na ng magandang resulta ang napakatagal ng sigalot sa lupang pangako.

Patuloy pa rin ang tunggalian para sa numero unong pwesto ng GMA 7 at ABS-CBN kung saan ay number 1 ang ABS-CBN nationwide habang nangunguna naman ang GMA 7 sa Mega Manila. Dahil sa papasikat naman na TV 5 ay nagkaroon ng pag-aalala ang dalawang higanteng istasyon kaya marahil ay idenemanda nila ang TV 5 upang hindi sila maagawan ng korona. Sa taon ding ito ay nabigla at nagluksa ang mga fans at mundo ng showbiz dahil sa biglaang pagpanaw ng kauna-unahang artistang Igorot na si Marky Cielo. Sa edad na 20 anyos ay namatay si Marky Cielo sa bangungot. Bukod dito ay nasaksihan din natin ang hiwalayang Dingdong at Karylle at ang kongtrobersya sa pagitan nilang tatlo nina Marian Rivera. Ito naman ang naging pangunahing dahilan upang tuluyan ng lumipat si Karylle sa Channel 2. Sa taong 2009 inaasahan natin na lalo pang mamamayagpag ang TV 5 dahil sa kanilang mga makabagong konsepto ng programa at patuloy pa rin ang kasikatan nina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Dennis Trillo at Richard Gutierrez.

Nakakalungkot namang isipin na hindi masyadong kumikita sa takilya ang Pinoy animated film na Dayo sa Mundo ng Elementalia. Napakaganda ng pagkakagawa nito at tunay na dapat ipagmalaki. Subalit dahil na rin siguro sa napasabay ito sa tatlong malalakas na pelikulang hahatak sa mga bata ay hindi ito nakayanan. Tumabo sa takilya ang Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ni Ai-Ai delas Alas, ang Iskul Bukol 20 Years After ng dynamic trio nina Tito, Vic and Joey at ang Shake, Rattle and Roll X na bata pa lang ako ay talaga namang inaabangan. Subalit sa 2009 ay tiyak na hahakot ng awards ang Dayo sa Mundo ng Elementalia sapagkat maaring ginawa rin ito para sa international release. Kaya good luck sa mga gumawa at artista sa likod ng animated film na ito.

Patuloy pa rin marahil ang mga welga at pagsigaw ng mga ralyista sa kalsada na gustong pabagsakin ang kung anu-ano. Mas maganda sana kung bukod sa pagrereklamo ay mayroon din silang solusyon na maibibigay para sa mga bagay na inirereklamo nila.

Maglalagay naman sa posisyon bilang isa sa sentro ng Sustainable Development at isyung pangkalikasan ang World Creative Youth Forum (WCYF) 2009 na suportado ng UNESCO at iba pang sektor. Ang WCYF 2009 ay nakatakdang ganapin sa ika-5 hanggang ika-10 ng Mayo 2009.

Sa pagtatapos ng taong ito tiyak na marami na namang mga manghuhula at Nostradamus ang magsasabi ng kung anu-anong mga mangyayari sa 2009. Karamihan ay mga negatibo at nakakagimbal. Para sa akin tayo ang gagawa ng ating kinabukasan at landas na tatahakin. Mag-isip tayo ng positibo at mabuti para sa ating sarili, pamilya at bayan ng sa gayon ay maging maganda ang darating na taon. Panahon na upang umahon ang ating bansa sa matagal na nitong pagkakalugmok sa isyu ng korupsyon, kawalan ng pag-asa at kahirapan.

Isang MASAGANANG BAGONG TAON at MAGANDANG PILIPINAS sa inyong lahat!


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: