Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Thursday, March 19, 2009

Dismaya

Hindi ko mapigilan ang labis kong pagkadismaya –bilang babae at bilang isang Pilipina—sa mga naging desisyon ni “Nicole”, ang biktima sa tinaguriang Subic Rape Case. Dalawang taon matapos hatulan ng verdict na “guilty” si Daniel Smith ay bigla na lang niyang binitawan ang abogada niyang si Evalyn Ursua at nagbigay pa ng panibagong affidavit na para bang nagsasabing, “hindi yata ako na-rape.” Huwaaat? Ano daw? At eto pa: nasa Amerika na siya para daw “makapagsimula ng bagong buhay.” Parang nag-flash sa sa isip ko si Rihanna (ang nagpasikat ng kantang Umbrella, -ella, -ella) na matapos na mabugbog-sarado diumano ng kanyang boypren sa si Cris Brown (ang nagpasikat naman ng kantang With You, with-a you, with-a you, with you) ay nakipagbalikan pa ito sa huli. Anak ng pitong kubang kalabaw,oo! Walang kadala-dala.



Bilang tao ay naiintindihan ko ang naging desisyon niya (ni Nicole at hindi ni Rihanna). Hindi madaling kaso ang rape dahil bukod sa physical, mental at psychological trauma, magkakaroon ka pa ng stigma o tatak na ikaw ay na-rape. Ikaw na nga ang inagrabyado, ikaw pa ang masama. At kapag nagsampa ng kaso, ang biktima pa ang kailangang magpatunay ng kanyang kawalan ng kasalanan o innocence. Saan ka pa? Kaya kung mahina-hina ang loob mo at walang sumusuporta sa iyo, hindi na masisilayan ng korte ang nangyari sa iyo. Si dating Congressman ngang si Romeo Jalosjos na nang-rape ng bata ay lalaya na anumang oras ngayon. Good behavior ang dahilan ng kanyang commuted o pinaikling sentensya. Kung kailan pa nasama sa good behavior ang pumuga o tumakas sa piitan ay hindi ko alam. Eh paano na ngayon ang batang inabuso niya? Maaring iyon din ang iniisip ni “Nicole” —na wala siyang mahihinita kahit pa man mahatulan at ma-sentensyahan pa ng ilang life sentence si Daniel Smith--dahil ang mismong (insert your own invective) Justice Secretary ang nanlait sa pagkatao niya nang una siyang nagreklamo.

Ngunit bilang babae ay malaki ang epekto sa akin ng pagbaliktad na ito ni Nicole. Paano na ang ilang taong pakikipaglaban natin para maipasa ang kasalukuyang batas sa rape? Kahit na marami pang dapat ayusin dito, nasakop nito ang mga masalimuot na relasyon ng babae’t lalake tulad ng sa date rape at marital rape. Baka sa susunod na may maghain ng reklamo ay maisantabi ito dahil baka “bumaliktad” din ang biktima. Baka magkaroon na ng bagong termino tulad ng, “Baka ma-Nicole lang yan.” Nakakaiyak! One step forward, a thousand steps back ang pakiramdam ko dito.

Bilang Pilipino ay bumagsak din halos ang aking pag-asang tuluyan nang mabasura ang VFA or Visiting Forces Agreement. Mabigat ang kaso ng Subic Rape Case hindi lamang dahil babae si Nicole at lalake si Daniel Smith kundi dahil si Nicole ay sibilyang Pilipina at si Smith ay sundalong Amerikano. Maaring hindi ito ang tuluyang magpabagsak sa nasabing kasunduan pero nayanig nito ang usapin ng VFA kahit paano. Nang nagpatumpik-tumpik ang gobyerno sa custody ni Smith, bumagsak nang bonggang-bongga ang administrasyon sa usapin ng sovereignty. Halos wala ngang epekto ang insidente na kung saan sa kasagsagan ng Balikatan exercises noong 2007 ay isang magsasaka sa Sulu ang nabaril dahil napagkamalan itong hayop. Hindi ba matagal na ito? Kasikatan pa ni Nora Aunor noong umalingawngaw sa kamalayan ng mga Pilipino ang katagang, “My brother is not a pig!” Nawala nga ang mga US military bases, pumalit naman ang VFA at pareho pa rin ang mga eksena. Haaay. Wala talaga tayong kadala-dala.

Pero sabi nga ng abogada ni Nicole na si Evalyn Ursua, hindi pa tapos ang laban. Hindi pa rin naman ako tuluyang nawawalan ng pag-asang ma-tsugi nga ang VFA. Kung kailan nga lang ay hindi ko alam. Ang masama ay kung tuluyan tayong magkikibit-balikat at magbubulag-bulagan sa obvious namang mga insidente ng pang-aapi at pang-aabuso. Kahit walang kinalaman dito ang usapin ng Subic Rape Case at VFA. Hindi ba’t pang-aapi at pang-aabuso rin ang patuloy na korupsyon sa gobyerno, ang namamayagpag na insidente ng kahirapan at kawalan ng trabaho sa bansa? Kung magiging dedma na tayo lahat, aba’y talagang walang mangyayari sa atin. Mahirap mabuhay sa isang bansang may matinding memory gap. Nananatili pa ring matinding hamon sa ating mga Pilipino ang huwag makalimot sa mga naging aral ng nakaraan. Pasalamat tayo sa mga taong patuloy na gising at nanggigising sa ating mga kamalayan.

E, ikaw? Bumaliktad ka na ba?

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

2 comments:

Lyds78 said...

Totoo, nakakadismaya ang naging aksyon ni Nicole pero maiintindihan ko kung bakit niya ginawa iyon. Kasi naman, umpisa pa lang ay si Smith na ang kinampihan ng gubyerno natin at pakiramdam siguro niya ay wala nang mangyayari sa kaso niya. Pero sana hindi siya bumitiw, lalo niya lang binigyan ng vindication iyung mga lumait sa pagkababae niya noong una pa lang. Nakakaawa kasi sa halip na maki-simpatya sa kanya, mismong mga kababayan pa natin ang humuhusga agad sa kanya na isa siyang "cheap" na babae. Hirap talagang maging babae sa lipunang ito, ikaw na ang naagrabyado, ikaw pa ang may kasalanan. Pero ako, naniniwala pa rin ako kay Nicole, nagbulag-bulagan na lang iyun sa katotohanan kasi feeling siguro niya wala siyang mapapala. Sa ganitong sistema ng justice system natin, wala nga siguro.

Paulyn said...

Korek ka diyan, Lyds78. Salamat sa comment. Hindi madaling maging babae sa ating lipunan kaya nakaka-relate tayo sa pinagdaanan ni Nicole. Pero tuloy pa rin tayo. Hindi pa tapos...Paulyn