Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Friday, April 3, 2009

Nation of Servants

Kamakailan lamang ay humingi ng “sorry” ang manunulat na si Chip Tsao dahil sa pagturing niya sa Pilipinas bilang “a nation of servants” o bayan ng mga alipin. Pero walandyo rin naman itong nagso-sorry na ito dahil parang sinasabi pa niyang hindi naman daw iyon ang ibig niyang sabihin. Aba, at parang hihirit pa siya na bayan din tayo ng mga bobo! Nakakaloka ka, Chip Tsao! Sana isang araw ay makapasyal ka dito sa Pilipinas para maranasan mo rin ang Filipino hostility, este, hospitality pala.

Pero teka…

Pinilit kong maging mas mabuting tao kaysa kay Chip Tsao. Nag-isip ako. Nilampasan ko ang pagiging Tsino niya, ang katayuan niya bilang isang middle-classed citizen sa Hongkong, ang pagiging arogante niyang… *%#@!!! (Kalmado ako. Kalmado ako. Nag-iisip. Oks.) At naisip ko ngang may punto siya. TEKA! Bago niyo ako batuhin at ilampaso sa sarili kong dugo e magkalma muna tayo.

Nasaan iyong nanay at tatay kong kapwa public school teachers? Nasaan iyong pediatrician ng anak ko? Nasaan iyong anak ni Aling Monchang na bagong pasa sa board ng engineering? E iyong kaibigan mong nurse? Nasaan sila? Ano ka ba? Hindi sila na-abduct ng aliens! Hindi ba’t nandoon sila sa abroad at nagpapaka-"alila” sa mga Kano, Arabo, Instsik, Hapon, Canadian, etc., etc.?

Siguro kung inalok ang lahat ng bagong graduate ng kolehiyo at high school ngayon na makapag-abroad, walang matitira dito s Pilipinas. Kung may magpaiwan man, siguro may nag-alok sa kanila ng trabaho sa call center. E, ano bang klaseng trabaho ang mayroon sa call center?

Itong ating gobyerno, sige ang pagaalok sa kanan ng foreign investments para daw magkaroon ng karagdagang trabaho. Anong trabaho naman ang bukas para sa Pinoy?-- Factory worker, machine operator, programmer, personal assistant. Ngayong nagsara, anong gagawin ng Pinoy? Alok naman ng turismo sa kaliwa para rin sa karagdagang kita at trabaho. Ang trabaho?-- tindera ng souvenir, tourist guide, boatman at bartender. Kapag off-season, e di, pahinga muna.

Ano bang klaseng industriya ang pino-promote ng mga eskuwelahan natin ngayon? Nursing, IT o Information Technology, Engineering—tumpak!-- dahil iyan daw ang in demand sa abroad. Pati vocational jobs –welding, cosmetology, folk dancing—kasi iyon ang mabenta sa ibang bansa.

Ano ba?

Bilib talaga ako sa ating mga Pinoy kasi gagawin natin ang lahat para lang mapabuti ang kalagayan ng ating mga mahal sa buhay. Kung puwedeng magpalapa ng buhay sa mga leon siguro may papatol…kahit magpaka-alipin. Pero dapat bang ganito? Lagi na lang ba tayong walang choice, napilitan…walang magagawa.

Ang lahat ay inaanyayahan kong magdugtong ng mga solusyon nila sa ganitong kaisipan. May mga naiisip ako tulad ng technology transfer. Ito iyong puwedeng dagdag na kasunduan sa foreign investment e: kung anuman ang kaalaman na nagpapaandar sa isang industriya, dapat ito ay maililipat sa host country. So kung sa umpisa ay taga-assemble lang tayo ng semiconductors, sa susunod ay marunong na tayong gumawa ng semi-conductors, iba na ang mag-aassemble. Sa edukasyon, tigilan na ang pagsagot sa pangangailangan ng ibang bansa, kundi ay tugunan muna ang mga pangangailan natin. Di ba? Sige. Isip lang. Sa huli, ang mang-aalipin na lang sa atin ay ang ating sariling makitid na kaisipan.

Ah, by the way, Chip Tsao, Spratley Islands happens to be ours. Okay?


Also Visit My Other Blogs
Newz Around Us Ordinary People, Ordinary Day

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

2 comments:

Anonymous said...

Naniniwala po ako na may punto ang sinasabi niyo, pero nakakalungkot para sabihin niyo na walang matitira dito sa Pilipinas kapag nabigyan sila ng trabaho sa ibang bansa, sapagkat hindi naman po lahat ng kabataang Pilipino ay ganoon.

Mayroon pa rin naman naniniwala sa sinabi ni Rizal na "ang kabataan ay pag-asa ng bayan" at ako po ay naniniwala rin na ang bawat tao ay may responsibilidad sa kanyang bansa. Marami akong kilalang ganoon, at isa rin ako sa kanila.

Sana po huwag tayong negatibo at naggegeneralays na walang sapat na impormasyon.

Paulyn said...

Maraming salamat sa iyong komento, Anonymous. Labis naman akong naliligayahan na hindi ninyo tinatanggap ang lahat ng sinasabi ng mga nakakatanda sa inyo. EHehehe. Ganunpaman, naniniwala pa rin akong isang racist remark ang binitawan ni Cheap Tsao na masakit mang tanggapin ay may bahid ito ng katotohanan. Bilib ako sa paninindigan mo para sa bansa. Sana ay marami pa ang katulad mo. Magpatuloy mag-aral at magmasid. Mabuhay ka, Anonymous.