Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Wednesday, June 10, 2009

Ang Rally sa Makati, Ang Con-Ass at si Juan (Tayong mga Pinoy)

Nagtext ang aking kabigan at ang tanong nya, "Hindi ba tayo pupunta sa Makati?" Simple lang ang naging sagot ko, "Hindi si GMA lang ang problema kundi tayo mismo o tao mismo".

Walang patid at tila walang katapusan ang mga pagwewelga hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba't-ibang bahagi ng mundo. Hindi naman masama ang magprotesta yun nga lang sa ating bansa tila nakalimutan nating itanong kung sino nga ba talaga ang problema ng ating bayan. Ang namumuno lang ba ang problema o maging tayong mga Filipino?

Pagkatapos kong maranasan ang katotohanan sa pagoorganisa at pakikipag usap sa mga tao sa media at sa gobyerno sa nakalipas na buwan ng Mayo ay nakita ko ang kabulukan ng ating sistemang panlipunan. Kung noon sistemang pampamahalaan lang ang akala kong sira iyon pala ay nagkamali ako sapagkat pati sistemang panlipunan ay sira na rin.

Subalit may pag-asa pa itong mabago at maituwid. Papaano?

Sa pamamagitan ng pagbabago na nagmumula sa sarili? Isang pagbabago na tayo mismo ang unang gagawa ng hakbang upang baguhin ang ating lipunan. Kung hindi kayang manalo ng isang lider na tunay na maglilingkod iyon ay hindi dahil sa kanya kundi dahil sa atin na sa simula pa lang ay hinusgahan sya batay sa kanyang popularidad at pera.

Totoo nga bang hangad ng mga pulitikong nasa Makati ang ating kapakanan o hangad lang nila na makita ng publiko at magpabango para sa halalan sa 2010. Sa edad kong 31 ay nakita ko na ang napakaraming pangako at nakita ko na rin na halos karamihan doon ay hindi natutupad.

Sang-ayon ba ako sa Constituent Assembly o Con-Ass? Ang sagot ay hindi po. Sang-ayon ba ako na baguhin ang ating Konstitusyon? Ang sagot po ay opo sang-ayon ako na amyendahan ito.

Anung mga probisyon ang nais kong amyendahan?

Una, gawing parliamentaryo at pederal ang ating pamahalaan. Subalit di gaya ng kasalukuyang porma na isinusulong na ang eleksyon ng mga miyembro ng parliamento ay base sa personalidad para sa akin ay dapat base ito sa botong makukuha ng mga tunay at may prinsipyong partido na lalahok sa eleksyon.

Pangalawa, dapat paigtingin ang proteksyon sa ating kalikasan at tahasang ipagbawal ang mga bagay na makakasira dito. Dapat gawing "green republic" ang ating bansa.

Hindi naman ako sang-ayon na alisin ang probisyon sa pagmamay-ari ng dayuhan sa lupain at mga negosyo. Dapat ay manatili ito at kailanman dapat kapakanan ng mamamayang Filipino ang nangingibabaw.

Para sa akin ang mga Kongresistang bumoto ng pabor sa Con-Ass ay mga traydor ng ating bansa at hindi na dapat iboto pa.

Ang kailangang pagbabago sa Pilipinas ay higit pa sa isang welga, higit pa sa pagpapalit ng pangulo at mga nakaupo sa pwesto sapagkat ang kailangan ay pagpapalit ng kamalayan.

ISANG PAKIKIISA SA MGA ANTI CON-ASS AT SA WELGA SA MAKATI... AT ISANG PANAWAGAN NG TUNAY NA PAGBABAGO PARA SA PILIPINAS NG BAWAT FILIPINO!



Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: