Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Friday, July 17, 2009

Naiinis Ako! Badtip ang mga Paaralan!

Naaalala ko noong high school ako noong mapatalsik namin ang principal ng aming paaralan dahil na rin sa mga hindi makatwirang patakaran na kung saan apektado ang mga estudyante. Ngayon, ay nararamdaman ko ang pagka-inis sa paaralang pinag-aaralan ng aking anak. Kasama sa mga players ng badminton ang anak ko pero dapat ba naman na lahat ng gastos pati pamasahe sa pagtrainingan na lugar, raketa at iba pang gamit ay estudyante ang sasagot? Ang tanong ko para kanino ba ang ginagawa nila? Hindi lamang naman ito para sa kanilang sarili kundi para rin sa paaralan. At hindi lamang yan... ang reklamo ko sa Marian College of Baliwag... marami pa!

Isa pa sa mga hindi ko maintindihan ay kung bakit tinatawag na Educational Trip ang mga pagpunta ng mga estudyante sa mga lugar na tulad ng Star City, Mall of Asia at iba pa. Anong educational doon? Ano ba matututunan nila sa mall at star city? Sa mall ang tanging alam ko ay matututo silang gumastos at magwaldas ng pera. P1,200 ang ambagan at yun lang ang matututunan nila? Sino ba ang nagpaplano ng mga yan?

May isa pa nga akong nabalitaan na ayaw daw payagang umalis sa kanilang lyre band ang mga estudyanteng ayaw ng sumali. Ang rason nila wala na raw matitira tapos nanakot pa na kapag umalis daw sa lyre band eh hindi na raw sila makakasali sa iba pang "club" sa paaralan. Aba! Tama ba yon?

Kaya lamang hindi ko talaga maharap ang paaralang ito ay nag-aalala rin ako sa maaaring maging bunga nito sa anak ko. Alam nyo naman dito sa ating kapag nagreklamo ka kahit ikaw ang nagawan ng kasalanan ay ikaw pa ang masama... halos kapareho rin yun ng kapag gumawa ka ng mabuti ay ikaw pa rin ang masama at sisiraan ka pa ng sisiraan at sasaksakin ng patalikod.

Sasabihin naman ng iba, "Eh di sa public school mo papasukin ang anak mo!" Eh di ikaw ang magpapasok doon! Kung noong dati okey ang mga public school ngayon bukod sa sikip na eh halos wala ka pa talagang matutunan at mababarkada pa ang iyong anak. Maswerte nga kung safe ang paaralan sa mga basagulerong estudyante.

Pera...pera...pera... yan ang norm ng karamihan sa mga private schools. Sila ang mga hari at bawal kang kumontra. kapag kumontra ka ay walang papansin sa iyo o kaya ikaw pa ang patatalsikin.

Kung pag nagreklamo ka sana ay masosolusyunan agad... wala sanang problema at kung tunay nga na edukasyon ang habol nila at hindi pagkakakitaan. Bilang magulang hindi naman basta basta napupulot ang pera.

Mahalaga para sa akin ang edukasyon. At kahit nga nagkabaon-baon na ako sa utang at patuloy na sinisiraan ng kung sinu-sino dahil sa pagpursige para maging makakalikasan ang mga tao ay nagsusumikap ako na maitawid sa pag-aaral ang mga anak ko. Kahit pa mamalimos na ako!

Minsan hindi ko rin maiwasang mapagod... sa totoo lang sino ba naman ang hindi mapapagod sa isang bansang patuloy na nabubulok... at nangangarap... SANA HINDI PURO PANGARAP NA LANG... SANA MAGBAGO PA ANG PILIPINAS!

At sa pamunuan naman ng Marian College of Baliwag kung mababasa nyo man ito... HOY GISING! Aba pahalagahan nyo naman ang tunay na pag-aaral at ganun din ang inyong mga estudyante at kanilang mga magulang.

Kayo ba may karanasang ganito?




Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: