Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Saturday, August 8, 2009

Among Ed Panlilio: Cory Magic Daw?

Cory magic daw?
ni: Among Ed Panlilio
Abante
http://abante.com.ph/issue/aug0809/op_ep.htm


'Di mabilang-bilang ang mga taong nagmahal kay Cory. At talaga namang pinakita ito nang hayagan, paulit-ulit at tuluy-tuloy. Nakita natin ito noong siya’y nangangampanya pa at noong nakaupo na, noong nanunungkulan pa at noong hindi na, noong siya’y buhay pa at kahit ngayong pumanaw na.

Halos lahat ng mga kandidato ay hiniling sa kanya na sila’y basbasan niya sa paniniwalang sino man ang itataas niya ng kamay ay tiyak ang panalo sa halalan.

Ang tawag nila dito ay Cory magic. Ang magic ay isang laro, panandalian at hindi makatotohanan. Kaya hindi dapat magic ang itawag sa katangiang ito ni Cory. Mayroong mas malalim na dahilan kung bakit marami ang nagmamahal at naniniwala sa kanya.

Una, matindi ang karisma ni Cory. Damang-dama ng mga tao ang kanyang katapatan. Walang pagkukunwari at pagbabalatkayo. Busilak daw ang kanyang pusong nagmamahal at kumakalinga. Napaka-simple niya. Kaya nga nakakaugnay ang mga tao sa kanya. Tita Cory o kaya Cory nga ang tawag sa kanya.

Pangalawa, hindi siya ang naghangad ng kapangyarihan. Siya ang nilapitan upang pamunuan ang mga Pilipino noong 1986, para lansagin ang diktadura at ibalik ang demokrasya sa ating bansa. At iniwan naman niya ang comfort zone ng pananahimik at pamilya upang ilaan ang sarili sa taumbayan. Sabi nila, walang kaalam-alam si Ninoy at mga kaalyado niya, na siyang nagtitimpla ng iniinom nilang kape sa Times St. at sa Boston ang magiging presidente na susunod kay Marcos.

At pangatlo, naging matuwid at matapat ang kanyang pagka presidente.

Hindi siya naging tiwali bagkus ibinalik niya ang kapangyarihan sa mga tao at ang demokrasya sa mga instutusyon ng ating bansa. Ginampan niya ito ng buong tapang sa kabila ng 7 coup at pagmamalabis ng mga kaaway niya at maging ng ibang nakapaikot sa kanya.

Marami pa po tayong pwedeng mabanggit sa maraming magagandang katangian ni Cory. Ang mga ito ay patuloy na magiging tanglaw sa ating bansa at bawat Pilipino. Pinatunayan niyang kaya nating baguhin ang pulitika kung tayo ay may malinis na puso, tayo ay nakahandang magparaya ng sarili at manungkulan ng tapat.

Ngayong bumalik na sa ating Manlilikha si Cory at kanya ng inialay ang kanyang bahagi para sa pag-unlad ng ating bansa, tayo naman ngayon sana ang mag-alay ng ating bahagi.

Hinding-hindi po tayo mananahimik, uupo na walang ginagawa at aasa na lang sa iba. Kaya nating magsamang nagpapalakas sa bawat isa.

Umaantabay ang Diyos sa pagsisikap nating baguhin at iahon ang ating Lupang Hinirang.


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: