Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Thursday, August 6, 2009

Si Cory Aquino, Si Ninoy at Si Nick Perlas

Alam ko sasabihin ng ilang makababasa na ang kapal naman ng sumulat nito para ikumpara si Nick Perlas kay Ninoy at kay Cory. Sasabihin din marahil na ginagamit lamang ang damdamin ng tao para maisulong ang kampanya ng isang hindi kilalang kandidato. Sabihin nyo na ang gusto ninyong sabihin pero sana makinig din muna kayo at sa kaibuturan ng inyong puso ay magmuni-muni at magtanong.

Sino ba ang kandidatong naglingkod na sa bayan at hindi naghangad na sumikat o mabigyan ng parangal sa bawat ginawa niya? Sino ba ang kakandidato na tumulong na sa mga mahihirap at nakipaglaban para sa karapatan ng mga Filipino? Sino ang naghahangad ng pinakamaganda para sa ating bayan at mapagpakumbaba? Sino ang may kakayahan at kaalaman para maging Pangulo tulad ni Ninoy pero mababa ang loob at ispiritwal na puso kagaya ni Cory?

Napakabias mo naman ang sasabihin ng mga negatibong tao pero kaibigan nagsasabi lamang ako ng totoo. Naniniwala ako kay Nick Perlas hindi dahil binayaran nya ako o may bayad ako na ikampanya siya sapagkat ang sagot ay wala. Naniniwala ako sa kampanya hindi dahil bahagi ako ng campaign team nya sapagkat ang totoo kahit malapit ako sa kanya ay hindi ako pumasok sa core group sapagkat gusto ko pa ring masabi ng malaya ang mga pananaw ko.

Naniniwala ako sa kanya sapagkat kagaya ng pagpunta ko noon sa EDSA 1 ng ako ay 7 taong gulang pa lamang at kagaya ng pagiging inspirasyon sa akin ni Cory habang ako ay lumalaki ay naniniwala ako na si Nick Perlas ay isang tao na karapat-dapat maging Pangulo ng ating bansa hindi lamang dahil kwalipikado sya kundi higit sa lahat sapagkat mahal niya ang bansang ito ng higit pa sa kanyang sarili.

Kahapon habang inililibing si Cory nakikita ako ang panawagan ng isang bagong Pilipinas at pagsasabuhay at pagpapatuloy ng nasimulan nina Cory at Ninoy. Alam ko na hindi lamang isang tao ang may kakayahang gumawa nito sapagkat tayo ang gagawa nito. Sa paggawa nito ay kailangan natin ng mga pinunong maniniwala kasama natin. Mga pinunong kagaya nina Nick Perlas, Among Ed Panlilio, Grace Padaca, Jessie Robredo, Sonia Lorenzo, Risa Baraquel,Ariel Querubin, Danilo Lim, Satur Ocampo, Kaka Bagao, Antonio Trillanes, Jamby Madrigal, Loren Legarda, Noynoy Aquino at iba pa.

Sana nga magsama-sama na lamang sila subalit mukhang mahirap iyon. Sa ngayon ako ay naniniwala ng buong puso na kung kapakanan ng bayan at ng Filipino ang gagawing basehan ng ating pagboto si Nicanor "Nick" Perlas ang karapat-dapat.

Sino nga ba ang kandidatong ito? Bumisita po kayo sa kanyang website sa www.nicanorperlas.com upang higit pa syang makilala at isearch na rin ang "Nicanor Perlas" o "Nick Perlas" sa google.

Si Nick Perlas ang iboboto ko sapagkat kagaya ni Ninoy naniniwala sya sa kakayahan ng bawat Filipino at handa siyang magsakripisyo para sa ating bayan.

Si Nick Perlas ang iboboto ko sapagkat kagaya ni Cory mapagkumbaba siya, ispiritwal na tao, naniniwala sa bawat Filipino at tagapagtanggol ng demokrasya.

Ang Pilipinas ay perlas ng silangan kaya para sa akin ang bawat Filipino rin ay perlas na nagniningning.

Perlas Tayong Lahat!


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: