Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Saturday, September 5, 2009

Jonathan Chua: SUGAL NG MASA 101 - Unang Bahagi

Ang artikulo pong ito ay isnulat ni kasamang Jonathan Chua at nais ko pong ibahagi sa mga mambabasa ng ating blog. Narito po...

SUGAL NG MASA 101 - Unang Bahagi
Ni Jonathan D. Chua

Ilang sugal ng Masa na alam ko.


Pusoy

Pusoy ang pinakaseryosong laro ng baraha. Sa lamesa ng pusoy, apat ang pangunahing kalahok. Isang Bangka at tatlong puntos. Napapalibutan ito ng mga merôn na hindi mapigilang makipinta at bumulong-bulong kapag hindi nagugustuhan o may nakikitang ibang mas malakas na bahig ang baraha. Pumupusta rin ang mga merôn. Nakikitaya ito sa mga puntos at sumasalo sa kakulangan ng Bangka.

Maraming klase ang sabit (side-bet) na pusta sa pusoy, nandyan ang black pair, one eye at alas. Hindi narin kailangang bahigin ang napagkasunduang luck. Pangunahin dito ang Eskalera at Quadro. Depende sa kasunduan maari ring kilalaning luck ang Three Colors o yung plasis, plasis, plasis, No people, Six pairs, at straight, straight, straight. Bawal ang bumulong ang merôn lalu na kung malakas kang bumulong at naririnig ng Bangka o puntos ang ibinubulong mo. bawal din bumulong lalu na kung pikunin ang mga natatalong naglalaro. Higit lalung bawal bumulong ang may mabahong hininga.

Paw ang tawag sa maling bahig o maling pagsasaayos ng labin-tatlong baraha. Mga tanga lang ang may kakayanang gumawa nito.


Cara y Crus

Cara y Cruz ang isa sa pinakamaingay na laro. Bukod sa walang seyentipikong paliwanag kung bakit kinikuskus hanggang mabura ang tinubog na itsura ni Rizal sa tatlong baryang piso sa malapad na semento, makalansing din ang paglagpak nito sa malapad na semento mula sa ere. Kasabay ang dumadagundong na sigawan ng mga mamumusta ng Cara! Cruz! At putang-ina malas!

Parang treasure hunting, Kapag walang malapad at makinis na semento sa paligid, naglalakbay ng limang kilometro ang mga gustong mag cara y krus matagpuan lamang ang pinakahahanap-hanap. Kung hindi sila makakakita, parang mga anarkista nitong babasagin ang pader ng abandonadong bahay o kaya naman kukunin ang isang takip ng kanal sa eskinita.


BINGO

Isa pang maingay na sugal ang BINGO! Sa bingo kahit lahat ng tao sa mundo maaring sumali. Basta may pamusta o pambayad sa ilalabang card at syempre dapat alam kung paano ka bibingo. Kung tanga ka pwede ka ring sumali para mag-ubos ng pera. Kumuha kalang ng card na may 25 numerong pinaghalo-halo mula isa (1) hanggang Sitenta y singkong (75) numero. Ang 1-15 ay matatagpuan sa ilalim ng letrang B, 16 - 30 naman sa I, 31- 45 sa N, 46-60 sa G at 61-75 sa O. Mag-imbak din panantos. mga limang dakot na bato, butong pakwan at butong kalabasa.

Maingay ang pag-alog ng pitumpo’t limang numerong nakaukit sa hugis tabletang plastik na nakasilid sa kulay putting basyo ng isang litrong botelyang plastik ng silver swan. Iba-iba rin ang umaalog, depende sa swerte. Parang perya marami ring buladas ng katatawanan ang bingo depende sa pagiging malikhain ng taga-alog at tagasigaw narin ng lumuwang numero.

Hindi katulad ni Marcos noong panahon ng martial law, demokratiko ang sugal na BINGO. Sa bawat paglalaro pinag-uusapan at pinagkakasunduan kung alin ang BINGO at alin ang hindi. Iba-iba kasi ng patakaran depende sa pinanggalingang komunidad ng sugalan. Hindi rin maaring umpisahan ang laro na gamit lamang ang simple o higit pang mayorya, sa BINGO mabilis na pinoproseso at kinukuha ang consensus! Kapag nagsimula at may nagdeklarang BINGO! ngunit malabo ang mga patakaran, mauuwi sa bintangan ng pandurugas at ayawan ang labanan.

Madalas itong ginagawa habang nagpapasuso ng bata at nagbabakbak ng langib.


Lucky Nine

Lucky nine naman ang laro ng mga mainipin. Sa larong ito etsa-pwera agad ang labing-dalawang tao sa baraha. Dahil lucky nine, nuebe ang pinakamataas. Good na ang otso at siete, kung malakas kang mang bluff? Maari mo nang ikasa ang sais. Pwede ring ihirit ng isa pa ang nakuhang kombinasyon sa dalawang baraha kung ito ay mababa. Maaari itong tumaas para magkaroon ng laban o mas lalung bumaba o tuluyang mabuta.

Kadalasan Bangka ang nagbabalasa pero maari ring magbalasa ang puntos para mapaalis ang alat o malas. Pakatapos balasahin, ipinapa-cut ito ng Bangka. depende kung ilang cut ang gusto m, huwag mo lang palalampasin ng singkwenta baka layasan ka ng kalaro. Aakalain nya kasing adik ka na nabaliw sa droga.


Tong-its

Hindi ko alam kung bakit tong-its ang ipinangalan sa sugal na ito. Wala talaga akong ideya. Pero nilalaro ito ng tatlo hanggang apat na kalahok at gaya ng iba pang sugal na nabanggit ko na, napapalibutan din ito ng sandamukal na mga merôn. Pwede mo rin itong laruin mag-isa kung inaatake ka ng buryong at walang gustong makipaglaro sa iyo maliban sa sarili mong konsyensya at sarili mong anino. Samahan mo narin ng pusta para mas eksayting ang paglalaro mo.

may tinatawag na gitnang taya ang larong ito, na mapapanalunan lamang kapag naka two consecutive hits ka o two-hits. kapag ikaw ang hits, pagtutulungan ka ng tatlo mong kalaban para hindi ka manalo at manatili ang pusta sa gitna. lilipat ang hits sa namumurong makasunggit ng naipong gantimpala. syempre magbabago din alyansa ng mga naglalaro.

sapaw ang tawag sa pangpatong ng karagdagan o dugtong na baraha iyong baba o tinatawag na bahay. kapag walang sapaw o basag, maaari ka nang mag deal o lumaban. sa karamihan walang karapatang lumaban ng pababaan ng natirang bilang ng baraha ang walang baba o bahay, ngunit dahil sa likas na pagkamalikhain ng pinoy gamblers nakapag-amyenda ito ng ilang mga patakaran. sa ilang pagkakataon may mga nagsusulong na maaaring lumaban ang walang bahay basta may secret (lihim na barahang hindi ibinaba). may mga duda na sa malilit na sitio sa taguig nagsimula ang pakanang ito, para lamang mailusot ang isang bistadong pandaraya.

Masamang sinyales ang pagbubulsa ng mga naipanalo. Hindi kasi natatantya ng kalaban kung magkano na ang isinilid mong panalo. Gaya ng ibang sugal kahit tumagal ng isang siglo , natatapos din ito. Nagkakaayawan at lahat nagdedeklarang talunan. Syempre hindi ‘yun totoo. Pwedeng sa tong lahat napunta ‘yung pera o sa kadalasang dahilan ayaw mamalato ng nanalo.

Pero wala ng sasama pa sa gumagamit ng salitang mo. Ang mo ay isang unibersal na kataga sa mga mandurugas sa sugalan na wala ng pera ay lumalaban pa. kapag natalo ay sasabihing bente mo, trenta mo, singkwenta mo. Kapag natapos na ang tong-its at siningil mo na ang iyong accumulated mo, sasabihan ka pa ng Tang-ina mo may utang ka pa nga sakin eh!


Mahjong

Malayo ka palang sa sugalan alam mo na kung mahjong ang nilalaro, maliban nalang kung hindi mo alam ang mahjong. Maririnig mo ang ingay ng pagkakamada ng mga piyesang kinuha sa sungay ng elepante mula sa kontinente ng Africa. kung tahimik dinig na ito sa layong 200 metro, kung maingay naman mauulinigan mo sa lapit na 10 metro. Kung may katabing Videoke na may kumakanta ng mga awitin ng Aegis, Siakol at Renz Verano tiyak hindi mo maririnig dahil mainit na ang ulo mo. Hindi mo rin maririnig kung bingi ka.

Pagkatapos magkasundo sa halaga ng taya. Sisimulan na ang pagkamada, isasalansan ng dalawang-patong ang itinaob na pitsa ng apat na kalahok. Pagkatapos noon, ihahagis ang dice sa gitna doon ibabatay kung ilang patong na piyesa ang palalampasin bago humugot ng unang tig-aapat na pares ang bawat kalahok. Susundan pa iyon ng isa pang apat na pares.

Maliban sa Balls, Sticks at Characters meron pang ibang piyesa na tinatawag na Flores. Kapag flores ang nabunot mo, bubunot ka ulit sa nakasalansan na dead wall o kong box (Ito ‘yung apat na linya na kinamadang pitya na parang Great Wall of China), hanggang hindi mo nakukumpleto ang labing-anim mong piyesa.

Kapag namuro na ang iyong piyesa, ang pagsalat ng pitsa ang pinakamasarap na karanasan ng mga nagmamahjong. bubunot ito ng pitsa, sasalatin ng palasinsingan at gitnang daliri ang nakaukit sa pitsa. kapag nasalat ang hinihintay na pitsa bigla itong inihahamppas patihaya ang sinalat na pitsa at saka magdedeklara ng todas!

Parang pelikulang intsik, sisigaw ka lang ng PUNG! CHOW! At KANG! Kapag nakakakuha sa tapon ng katunggali. Eskalera at Siete pares ang pinakasikat na todas sa sugal na ito. kapag nagkagulo maari karing matodas.

Ang tatay ko ay tumatagal ng tatlong buong araw sa paglalaro mahjong o 72 oras. Pumanaw sya noong ika-29 ng Setyembre 1994 at inilibing sa Holy Cross Novaliches.

Abangan po natin ang SUSUNOD NA KABATANA!


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

3 comments:

Guest said...

Salamat sa pag-post dave. sa totoo kailangan ko pang ayusin ang ilan dito. paki post nalang ulit 'yung pangalawang bahagi. bukas tapos na iyo.
muli salamat. Jonathan

David D'Angelo said...

Walang anuman... very informative naman ang ginawa mo at may halo pang nakaka aliw :)

Friedrich August said...

sa pag lalaro nag kahit anong laro ay may kasama yan na daya