Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Tuesday, October 27, 2009

Ang Alamat ng Nasayang na Boto (The Legend of the Wasted Vote)

"Sayang lang ang boto ko dyan."

"Magaling nga at karapat-dapat pero mananalo ba siya?"

"Hindi siya kilala at malamang hindi mananalo kaya masasayang lang ang boto ko."

Yan ang malimit na sabihin ng marami sa aking mga nakakausap kapag may ipinapakilala akong kandidato na napili ko dahil sa kanyang plataporma, mga nagawa at kakayahan. Sayang daw ang boto nila kahit pa magaling ito at karapat dapat. Sayang nga ba ang boto nila? Sayang nga ba ang boto ninyo sa ganitong mga kandidato? Ito ang ALAMAT NG NASAYANG NA BOTO.

May isa akong kuwento ito ay tungkol kay Juan.

Noong nakaraang eleksyon bumoto siya sa pinakasikat na kandidato. Iyong kandidatong nakapagbigay sa kanya ng libreng PhilHealth Card at kung anu-ano pang bagay. Ibinoto rin niya yung sabi ng nakararami at sabi ng mga surveys ay lyamado. At syempre parang sabong pumusta si Juan sa liyamado.

Nilapitan si Juan minsan ng isang nangangampanya para sa isang kandidatong malinis ang pangalan, kumpleto ang plataporma at maganda ang hangarin. Ang sabi ni Juan, "Mababa yan sa survey at hindi mananalo. Magaling nga sya at dapat maging Pangulo kaso sayang lang ang boto ko sa kanya."

Kaya nga kahit pa ito ang karapat-dapat ay hindi siya binoto ni Juan. Dumating ang halalan bumoto si Juan at nanalo nga ang kanyang kandidato. Napakasaya niya ng araw na iyon dahil kasama siya sa mga bumoto sa nanalo. DUmaan ang mga araw tila napako ang mga pangako, napaso ang mga PhilHealth cards, katakot-takot na katiwalian ang lumutang sa kandidatong ibinoto ni Juan.

Minsang may nakausap si Juan ay nasabi niya, "Dapat pala iba na lang ang binoto ko. Nasayang lang ang lahat."

Alin ang mas sayang na boto ngayon, ang pagboto ba sa karapat-dapat o ang pagboto ng hindi natin pinag-iisipang mabuti kung sino ang iboboto?

Boboto na lamang ba tayo dahil nangunguna ang isang kandidato sa survey o titingnan muna natin ang plataporma ng mga kandidato at ang kanyang mga nagawa na at gagawin pa?

Sa pagboto sa isang kandidato na sa tingin natin ay karapat-dapat at talagang may kakayahan at plataporma kailanman ay hindi nasasayang ang ating boto.

Nasasayang lamang ang ating boto kung boboto tayo sa isang kandidato na simula pa lamang ay alam nating walang plano para sa ating bayan.

Lalo pang masasayang ito kung sa pagkapanalo niya ay wala rin naman palang mangyayari sa ating bayan.

Hindi survey ang magpapanalo sa mga kandidato kundi ang ating boto. Kung ang nakararami ay boboto sa kandidatong karapat dapat hindi ba ito ang mananalo? Kung pagtutulungan natin ang isang kandidatong may malasakit sa ating bayan, kultura, kapayapaan, kalikasan at sa bawat Filipino hindi ba mananalo siya?

Ikaw rin ba si Juan o ikaw ang tunay na botanteng boboto dahil sa mas malalim na dahilan?

Mamili ka kaibigan. Ipagpapatuloy ba nating paniwalaan ang "nasayang na boto" o babaguhin natin ang ating bansa upang sa wakas ay umasenso na tayo?

Nasa ating boto ang pagbabago ng ating bayan kaya huwag sayangin ang ating karapatang bumoto.

Photo from: Palipasan: Aliwan ng Pagal na Isipan

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →