Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Friday, October 9, 2009

Ang Magdusa Dahil sa Pagtulong at Paglilingkod


Sabi nila emotional daw ako at nagpapaawa. Yan ang sabi sa tuwing babanggitin ko ang aking kalagayan ngayon. Pero sa totoo lang hindi ko rin lubos maiisip kung bakit ako ganito at bakit ganun ang mga bagay-bagay. Ngayon ay nagdurusa ako sa pagbabayad sa mga utang ng isang akltibidad na naglalayon lamang na mapag-isa ang mga kabataan sa buong mundo upang kumilos at tumugon sa hamon ng Climate Change at kapayapaan, matutuo sila ng social enterprise at malaman kung ano ang sustainable lifestyle. Ang pinaka nag-aalala pa ako hindi para sa aking sarili kundi para sa mga anak ko na maiiwan ay baka makulong pa ako ng dahil sa ginawa kong ito. Mali ba ako?

Kailanman hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko sapagkat alam kong tama ang mga desisyon kong ginawa. Marahil may ilang mga pagkakamali pero ang mga iyon ay hindi maiiwasan. Kung makukulong ako dahil sa paggawa ng kabutihan, di sige walang problema. At least ang utang ko ay hindi ko ginamit para payamanin ang aking sarili bagkus ay para mabuksan ang kamalayan at isip ng mas nakararami.


Minumura ako, sinisigawan at tinatawag ng kung anu-ano... sa akin sinisisi ang ilang kamalian na hindi naman sana naging ganun kung sila mismo ay lubusan ding tumulong. Nahirapan kami dahil ayaw kong pumayag na magbigay ng lagay sa ilang press na hindi raw isusulat ang balita mo kapag wala silang makikihang pera o gift certificate. Nahirapan kami dahil ayaw kong magbigay ng komisyon at lagay sa iba pang tao na magbibigay dapat sa amin ng pondo. Ang kasalanan ko nagi akong masyadong matuwid.

Naranasan namin ang puro pangako. Pangako ng pulitiko na pinadala ang kanyang anak at tauhan pero ni hindi naman nagbigay ng tulong. May mga tumulong nga pero minsan kapag sumosobra ka na sa oras sa venue na ibinigay dahil sa enerhiya ng mga kasama namin na gustong matugunan ang mga problema nating kinakaharap ay para kang pinapalayas at maiisip mo na sana sarili mo ang lugar na iyon.

Makakatagpo ka ng taong sa kabila ng paniniwala mo sa kanya ay pagbibintangan ka pa. Sa kabila ng dami ng utang mong binabayaran ay patuloy ka pa ring sisingilin at sa halip na tulungan ka ay gagawa ng intriga sayo at ididiin ka pa sa ibang tao.

May mga nagkakalat ng balita na kumupit daw ako ng dalawandaang libong piso. Wow napakalaki naman... sana nga may ganun ako. Sana nga para naman hindi sa tuwing sinasabi ko na walang kaming pera ay hindi matutulala ang anak ko at iiyak at sasabihin na, "Sana maging okey na rin kami." Hiling ko nga na sana ang mga anak ko ay patuloy na tumulong kahit pa nga nakita nila na minsan mapait ang nagiging resulta.

Malayo ako sa dalawa kong mga anak, hindi ko kalimitan pinapakita sa kanila ang bigat ng problema pero minsan sinasabi ko na sana matapos na lang lahat ito. Kalimitan rin tinatanong ko kung bakit ba ako ganito.

Nangaliwa ang asawa ko at sana dinemanda ko pero pinatawad ko at ako na lang ang umalis, hinatian ko pa ng mga napagbentahan ko ng lupa bilang tulong sa kanya at sa mga anak ko (at least yun ang sabi niya noon). May mga kaibigan ako at pinsan na lumapit sa akin at humingi ng tulong at dahil maawain naman ako ay tinulungan ko sila. Subalit nang ako na ang mangangailangan ay wala raw sila pambayad sa mga utang at maraming rason... hindi ko sila masingil dahil naaawa ako. Sabi nga nila hindi raw ako bagay magpautang.

Sa bawat buwan nagbabayad ako ng utang.... sa bawat buwan nangangamba ako na baka makulong ako dahil sa pagtulong at ideyalismo na ginagawa ko. Masakit masabihan na kaya ako ginaganito at inaabuso dahil mabait ako. Ano ba ang dapat maging masama at sakim para hindi ka abusuhin.

Lumaki akong ulila at simula pagkabata ay nagsasakripisyo at hanggang sa ngayon nagsasakripisyo ako. Tumutulong ako at lumalagay sa tama. Ipinaglalaban ko kung ano ang tama at makatwiran. Bakit nga ba hindi ako mapagod at hayaan na lang kumilos ang mundo. Huwag na lang kaya akong makialam?

Ewan ko nga ba. Nakakagalit na rin minsan ang aking sarili. Sana nga tumama ako sa Lotto para naman at elast mabayaran ko mga utang, makatulong ng mas maluwag sa iba at masigurado ang kinabukasan ng aking mga anak. Sana nga...

Kung kayo ay tulad ko na minsan di maiwasang maisip na sumuko... narito ang isang kantang nagpapatatag sa akin... "Maghintay Ka Lamang" ni Ted Ito:


Eto ako patuloy na tumutulong at patuloy na sumasagwan sa alon ng buhay... palagay ko kaya ko pa... para sa mga anak ko... para sa bayan ko... para sa kinabukasan nilang lahat.

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: