Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Sunday, October 18, 2009

Trahedya sa Panahon ng Facebook

Isa sa mga hinahangaan kong komentarista si Prof. Danny Arao kaya nga nais ko ring ibahagi sa inyo ang kanyang artikulong, "Trahedya sa Panahon ng Facebook." Malalim at makatwiran ang kanyang mga ginawang pagtutuos at pagbibigay ng pananaw sa nagiging paggamit ng Facebook at sa responsibilidad na dapat taglayin sa paggamit nito.


Trahedya sa panahon ng Facebook
N.B. – This will be published in the October 16-22, 2009 issue of Pinoy Weekly.

Maraming dapat ipagpasalamat sa Facebook (FB) bagama’t ito rin ang dahilan ng paminsan-minsang pagkaantala ng ilang gawain. Sa panahon ng trahedya’t malayo ako sa Pilipinas, malaking bagay ang social media tulad ng FB para malaman ang nangyayari sa mga mahal sa buhay. Mahalaga rin ito sa mabilis na pagkuha ng impormasyon.

Masasabing may magandang ugnayan ang social media at iba pang porma ng mass media. Kahit na limitado ang naaabot ng Internet sa Pilipinas, may malaking papel ang social media sa pagbibigay ng mga posibleng istorya sa mga publikasyong print at online at sa mga programa sa radyo’t telebisyon. Nakakatulong din ang social media sa pagpapakalat, lalo na sa labas ng Pilipinas, sa mga lumalabas na balita mula sa mga website ng mass media.

Dahil sa FB, nalalaman ko ang kalagayan ng mga kaibigan, lalo na’t maraming trahedya ngayong kinakaharap ang Pilipinas. Bukod sa iba pang social media tulad ng Twitter, malaking tulong ang FB sa pag-alam sa mga pangyayaring may kaugnayan sa bagyong Ondoy (Ketsana) at Pepeng (Param). Siguradong tututukan ko uli ang FB at iba pang social media sa pagpasok ng bagyong Ramil (Lupit) sa Pilipinas.

Totoo namang hindi basta-basta dapat paniwalaan ang impormasyong nakukuha sa social media dahil depende ito sa mga taong nagpo-post ng mga ito.

Marami sa mga kaibigan ko sa FB ay mga kapwa peryodistang nagpupunta mismo sa mga lugar na nangyayari ang mga balita. Dahil dito, may dahilan para paniwalaan ko ang kanilang ipinapalaganap na impormasyon. Para naman sa mga residente ng lugar na apektado, ang kanilang eyewitness account ay masasabing mapagkakatiwalaan lalo na’t kakilala ko sila’t alam kong wala silang dahilan para magsinungaling.

Pero ang teknolohiyang nagbibigay ng mabilis na impormasyon ay maaari ding pagmulan ng pang-aabuso ng ilang tao. Masasabing naging biktima ng nakalalasong impormasyon ang isang babaeng overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai dahil may gumamit ng FB account niya at nagpalaganap ng mapanirang status update sa kasagsagan ng bagyong Ondoy: “buti n lng am hir in dubai! maybe so many sinners bak der! so yeah deserving wat hapend.”

Maraming nagsulat ng galit na komento sa OFW na ito. Masyado ngang personal ang mga panlalait na ginawa sa kawawang OFW. Halimbawa, may nagsulat na hahanapin siya sa Dubai at ipapagahasa sa mga Arabo’t kamelyo. Sa pamamagitan ng image editing software tulad ng Photoshop, may ilan pang nag-edit ng kanyang mga larawan sa paraang hindi ko na ipapaliwanag dahil sa sobrang kabastusan.

Dahil madali lang mag-repost ng ganitong klaseng impormasyon, mabilis na kumalat ang mga mapanlait na mensahe’t larawan niya hindi lang sa FB kundi sa social media at mga blog. Pero makalipas ang ilang araw, narinig din ang panig niya: Hindi pala siya ang nag-post ng mapanirang status update dahil matagal nang na-hack ang kanyang FB account at sa katunayan nga’y inireklamo na niya ito sa pulisya ng Dubai.

Kung gagamitin ang termino ng mga peryodista, malinaw na “kuryente” ang istorya. Sa kabila nito, kapuri-puri ang ginawang paghingi ng paumanhin ng maraming blogger at FB user na mabilis na humusga sa kawawang OFW na biktima ng identity theft.

Marami pang isyung kinakaharap ang bansang Pilipinas at inaasahan ang mga gumagamit ng social media tulad ng FB na magbigay ng kanilang opinyon sa mga nangyayari. Pero malinaw na kailangang maging maingat dahil parating nariyan ang posibilidad ng pagpapalaganap ng kasinungalingan.

Sa konteksto ng FB, hindi lang simpleng repost ang nangyayari sa pag-click ng “Share.” Ang pagbabahagi ng kaalaman ay dapat na pinag-iingatan. Hindi lang ito usapin ng personal na reputasyon kundi ng pangkabuuang epekto ng pagpapakalat ng impormasyon. Hindi natin alam, halimbawa, kung ang ating mga kaibigan ay ipapalaganap din ang nasabing impormasyon sa kanilang sariling network sa FB at iba pang social media at blog.

Dahil sa malaking posibilidad ng pang-aabuso at malinaw na ebidensiya na nangyayari ang mga ito, may mga katulad ni Rep. Juan Miguel “Mikey” Arroyo na nagnanais magkaroon ng regulasyon sa FB. Hindi na bago ang mga ganitong argumento. May ilang mambabatas nang nananawagan sa pagkokontrol ng impormasyong galing sa Internet sa iba’t ibang dahilan tulad ng pornograpiya.

Kung matatandaan ang konteksto ng panawagan ni Rep. Mikey Arroyo, kumalat kasi sa FB ang diumanong larawan niyang namimili ng alak sa isang sikat na supermarket sa Katipunan sa gitna ng bagyong Ondoy. Pinabulaanan niya ang akusasyon at sinabing siya ay nasa Malakanyang noong Setyembre 26 (Sabado). Pero hindi malinaw sa kanyang pahayag kung nasaan siya noong Setyembre 27 (Linggo) na pinaniniwalaang petsa ng panakaw na pagkuha ng larawang nabanggit.

Nakita ko ang kontrobersiyal na litrato. Pinili kong huwag ipalaganap ito sa aking FB network. Una, napakalabo ng litrato kaya mahirap malaman kung siya nga ang nasa larawan. Ikalawa, side view lang ang kuha kaya may posibilidad na hindi siya ang kinunan, lalo na’t ang kanyang buhok at pangangatawan ay tulad ng ibang kabataan.

Madaling sabihing nakatira ang pamilyang Arroyo sa pang-mayamang subdibisyong malapit sa sikat na supermarket, pero puwede ring sagutin ito sa paraang ang mayayamang tulad niya ay maraming puwedeng utusang bumili ng alak, lalo na’t malakas ang ulan.

Malalaman lang ang katotohanan kung aalamin ang mismong taong kumuha ng larawan at tatanungin ang mga nagtatrabaho sa nasabing sikat na supermarket kung naroon nga ba si Rep. Mikey Arroyo noong Setyembre 26 o 27.

Pero sa kabila ng sitwasyong ito, walang dahilan si Rep. Mikey Arroyo para magsabing kinakailangang kontrolin ang FB, at nararapat lang na siya ay kondenahin dahil sa kanyang pahayag. Hindi sagot ang regulasyon ng pamahalaan sa Internet o kahit sa social media sa pang-aabusong nangyayari sa kasalukuyan.

Una, ang makikinabang sa anumang porma ng censorship ay hindi ang mamamayan kundi ang mangilan-ngilang may gustong itago sa publiko. Ikalawa, makokompromiso ang malayang daloy ng impormasyon sa midya at ang pagdinig sa iba’t ibang panig ng mga isyu.

Lubos na mahalaga ang kalayaang makapagpahayag sa iba’t ibang midya tulad ng Internet para mamulat ang publiko. Ang sinumang nais na mawala ang kritikal na pag-iisip sa mga mamamayan ay natural na kokontrolin ang midya dahil ang mga ito ay pangunahing daluyan ng impormasyon.

Marami pang trahedyang kakaharapin ang Pilipinas bukod sa mga bagyo. Ang eleksiyon ay mangyayari na sa loob ng ilang buwan at alam natin ang epekto nito sa stabilidad ng ekonomiya’t pulitika ng bansa. May malaking papel na gagampanan ang FB at iba pang social media para sa mabilis na pagpapakalat ng impormasyon sa darating na panahon.

Sa gitna ng trahedya, kailangan ang mas ibayong hinahon para responsableng magampanan ang tungkulin ng lahat ng mamamayan. Ang social media ay nagbibigay ng kapangyarihan para magpalaganap ng impormasyon sa iba pang may koneksiyon sa Internet.

Sana’y matuto tayo sa hindi-masyadong magandang karanasan ng nakaraan at patunayang ang ating kalayaan ay kayang-kaya nating responsableng gampanan. Sana’y patuloy nating labanan ang iba’t ibang porma ng pagsupil sa malayang kaisipan.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: