Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Tuesday, November 24, 2009

Ano ang Rido o Clan War?

The Ampatuan, Maguindanao massacre is a gruesome reminder that new politics has to address conflict as its most fundamental levels: replacing the mindset and practice of "rido" (clan revenge) with swift, honest, social and judicial justice.

Ito ang maiksing reaksyon at mensaheng inilabas ni Nicanor Perlas ukol sa karumal-dumal na masaker na naganap sa Maguindanao kahapon. Pero ano nga ba ang tinatawag na "rido" o "clan war"?

Ayon sa isang pagsasaliksik ng The Asia Foundation na pinamagatang, "Management of Clan Conflict and Rido among the Tausug, Magindanao, Maranao, Sama and Yakan Tribes," ang Rido ay isang labanan na nag-ugat sa isang pinaniniwalang paglapastangan sa dangal at dignidad ng isang pamilya. Maaari ding sabihin na ito ay ubusan ng lahi at nagpapasalin-salin mula sa isang henerasyon patungo sa kasunod.

Ang naganap na pamamaslang ay pinangangambahang magsisimula ng rido sa angkan ng mga Ampatuan at Mangudadatu. Pareho itong malalaking pamilya na may mga pulitikal na interes sa Maguindanao at pareho ring may tinatawag na "political dynasty."

Sinasabi rin sa naturang pagsasalik na ang "rido" ay hindi lamang nangyayari sa mga Muslim kundi pati na rin sa mga Kristiyano at Indigenous people. Sinasabing mas matanda pa nga ang kulturang ito kaysa sa Krsitiyanismo.

Ilan sa iba pang katawagan ng Rido ay "pagbanta" sa mga Tausug, "kundara" sa mga Yakan at "pagbaos" sa mga Sama.

Mula 1970s hanggang 2004 napag-alaman ng pagsasaliksik na ito ang mga sumusunod na detalye ukol sa mga naganap na rido sa Mindanao: Tausug – 39, Yakan – 34, Maranao – 27, Sama – 18, and Magindanao – 10. Sa mga ridong nasabi umabot sa 278 ang mga naapektuhan kabilang na ang namatay at nasugatan. 43 naman sa mga ito ang nabigyan na ng solusyon at naresolba.

Tatlo ang pinaka pangunahing sanhi ng rido at ito ay pag-aaway sa lupa, tunggalian sa pulitika, at pangatlo tunggalian sa negosyo.

Karamihan naman sa mga kaso ng pag-aaway ay nareresolba sa mapayapang paraan subalit sa sandaling mag-umpisa na ang rido ay tila malawakan na ito at mahirap awatin.

Kasama sa mga nirerekomendang solusyon upang pangmatagalang maiwasan at tuluyang mawala ang isyu ng rido at clan war sa Mindanao at maging sa ibang lugar ay ang pagpapalaganan ng edukasyong sensitibo sa kultura at relihiyon, pagtatanggal ng mga armas o disarmament, pagbibigay ng oportunidad pang ekonomiya, pagpapabuti ng pamamahala kasama na ang pagresolba sa katiwalian, at ang tinatawag na "Clan Conflict Management"

Maaaring mabasa ang kabuuan ng pagsasaliksik ukol sa Rido at iba pa sa LINK NA ITO.

Sa mga nabanggit sa itaas masasabing ang rido ay sanhi ng isang sistema ng pamahalaan na hindi pinagyayaman ang kakayahan ng lahat ng mamamayan. Ang kawalan ng hustisya dagdagan pa ng pagkakasama ng 6 sa 10 na pinakamahirap na lalawigan ay nasa Mindanao.

Ito ang malaking anomalya sa kadahilanang ang Mindanao ang isa sa nagbibigay ng pinakamaraming "resources" at kita subalit ito rin ang lugar na pinakamahirap. Tila patuloy na pinababayaan ang karapatan ng ating mga kapatid sa Mindanao at nanaig lamang ang interes ng mga elitista at malalaking negosyante.

Kung gusto nating maabot ang kapayapaan at mawala ang rido sa Mindanao dapat ay ibigay din natin at palawakin ang makatotohanang katarungang panlipunan.

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: