Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Thursday, November 26, 2009

Masaker! Masaker! Masaker!

Masaker o Massacre, Ito ang malagim at nakakapangilabot na salitang laman ng pahayagan at balita nitong nakaraang 3 araw. Ang salitang masaker (massacre), ayon sa dictionary, ay tumutukoy sa walang pakundangang pagpatay sa malaking bilang ng tao.

Flashback circa 1990s: Kapag naririnig ko ang salitang massacre, naaalala ko ang mga sumikat na pelikula ni Carlo J. Caparas at ang binansagan noong “Massacre Queen” na si Kris Aquino. Siyempre, nakakatawang isipin na kahit na iisang tao lang ang pinatay sa bawat pelikula (at si Kris Aquino lagi ito) ay tinatawag na itong massacre movie. Pero talaga namang punong-puno ng dugo at walang kamayaw na karahasan ang mga pelikulang ito at hindi ko talaga maintindihan kung bakit nagkaroon ito ng (salamat sa Diyos) maikling panahon ng pagsikat sa masa.

Flash forward at eto tayo ngayon sa 2009, halos isang dekada ang nakaraan at hindi pelikula kundi tunay na buhay at tunay na massacre ang naganap sa bahagi ng Ampatuan, Maguindanao dito sa Pilipinas. Isang grupo ng mga kababaihang mag-pa-file lamang ng Certificate of Candidacy ng kanilang kaanak sampu ng ilang miyembro ng media ang binaril ng malapitan pagkatapos harangin ang kanilang convoy. At sa mga oras na ito, 57 ang kumpirmadong patay sa pangyayaring ito – ang pinakamalaking grupo ng namatay bunga ng karahasan dahil sa pulitika sa kasaysayan ng Pilipinas. Kasama na rin dito ang pinakamalaking grupo ng mga mamamahayag na pinatay sa kasaysayan ng mundo.




Nang una kong malaman ito, ilang gabi na rin ang nakaraan, 21 pa lamang ang nakumpirmang patay. Akala ko noong una ay vehicular accident dahil sa dami ng namatay. Pero noong binasa ko ang nakasulat sa screen, natulala ako – 21 katao, mga babae, abogado at media – patay. Pinatay. Ni hindi pa nag-uumpisa ang eleksyon, ni hindi pa tinatanggap ng COMELEC ang nominasyon, pinatay na – at hindi naman sila ang tatakbo.


Ano bang mayroon ang posisyon na ito at mag-iisip ka pa lang yatang labanan ang kasalukuyang namununo ay nanganganib na ang buhay mo? At, take note, ang Maguindanao ay hindi parang Makati na milyones ang kinikita sa kada buwan para pag-interesan ang kaban nito. Sa totoong buhay, ang Maguindanao ang ikatlo sa pinakamahihirap na probinsya sa bansa, 5 sa 10 taga-Maguindanao ang mahirap at 4 lamang sa bawat 10 taga-Maguindanao ang nakakatapos ng 6 na taon ng pag-aaral. Eto pa, matanda ka na sa Maguindanao kung ikaw ay 52 years old. Kung saan nakakakuha ng pondo para makapagpatayo ng bonggang-bonggang municipal hall ay dapat itanong na lang doon sa Ale sa Malacanang na sinasabi nila ay bespren ng kasalukuyang namumuno doon. May kinalaman din kaya rito ang slow-mo na proseso ng hulihan at sampahan ng kaso? Itanong natin ulet ang Ale.

Ngayon ang araw na itinakda ng gobyerno para ipagluksa ang mga biktima ng masaker na ito. Pero hindi lang sila ang biktima. Isa itong malagim na araw para sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng kapayapaan at katahimikan. Ang mga pinatay ay hindi lang mga babae kundi mga ina, mga kapatid, mga asawa. Ang mga pinatay ay hindi lamang mga mamahayag kundi mga tagapagmasid, tagapagbantay at tagapaghatid ng mga tunay na pangyayari. Tunay na malagim na araw para sa mamamahayag at sa lahat na naghahanap ng katotohanan.


Sa massacre na ito ay lumantad ang ibang uri ng mga halimaw na pinataba at binigyang-ngipin ng sakim at malupit ding amo. Mga halimaw na tuluyan nang iniwan ng kanilang konsensiya at walang pakundangang pumatay ng kahit na sinong tumayo sa pagitan nila at ang kanilang walang katapusang paghahangad sa kapangyarihan. Nakikiramay ako sa mga biktima at sa kanilang mga pamilya. Nagdarasal na lamang ako na sana ay ito na ang huli. Kahit hindi pa maisama ang Pilipinas sa Guiness Book of World Records.

Binabati ko pala si Efren PeƱaflorida, ang CNN Hero of the Year. Bukod sana sa Order of Lakandula na ipaparangal sa kanya, magpatayo na rin tayo ng mas maraming eskuwelahan para maitabi na ni Efren ang kariton niya. Congratulations, Efren! Binoto kita mula sa Facebook ko.

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

1 comments:

Shen said...

Thanks Paulyn sa malamang article at sana ay patuloy kang magcontribute sa blog na ito. Dapat talagang ikondena at masolusyunan na ang problemang ito para hindi na maulit pa.