Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Tuesday, November 10, 2009

Personal na Karanasan sa Pulitika (A Personal Experience in Politics)

Taong 2001 nang tumakbo ako bilang konsehal sa bayan ng Atimonan sa probinsiya ng Quezon at sa ilalim ng Akbayan! Citizens Action Party. 23 taong gulang ako noon at puno ng ideyalismo at paniniwala sa isang lipunang nagnanais ng pagbabago at ng mga lider na tapat maglingkod.

Bumuo kami ng isang tiket na binubuo ng 8 konsehal, kasama na ang 2 pa na mas bata sa akin at pawang nais maglingkod ng tapat. Kasama rin ang mga beteranong naglingkod sa aming bayan noon. Sinuportahan kami ng lider ng Akbayan doon at siyang tumayo naming campaign manager.

Sa paglapit ng kampanya at dahil na rin sa kakulangan ng pondo ay iniwan kami ng aming campaign manager upang sumama sa isang party list group na magbibigay sa kanya ng mas malaking bayad. Sa pagnanais kong maituloy ang laban para sa isang bagong Atimonan ay itinuloy namin ang laban at ako ang tumayong campaign manager.

Walang karanasan sa eleksyon, walang pondo at ang tanging armas ay ang paghahangad na makapadlingkod binuno namin ang 45 araw ng kampanya. Kasama ang mga kandidato namin sa Akbayan na sina Rydell Palma, Marlon Amado, Baute, Ernesto Santos at Tiburcio Alba ay nag organisa kami ng mga meeting de avance sa bawat barangay.

Ang Atimonan ay binubuo ng 42 barangay at 4 sa mga ito ay talagang kailangan mong akyatin at puntahan ng lakad. Sa bawat pagpupulong gamit namin ang simpleng mini-component bilang sound system at ang mga volunteer na kabataan na hindi namin binayaran kundi kasama naming nangarap para sa aming munting bayan.

Sa loob ng 45 araw ay ipinaglaban namin ang aming mga mithiin at plataporma kasama na rito ang hazard pay para sa mga empleyado ng munisipyo, ang pagsusulong sa Quezon I Electric Cooperative (QUEZELCO 1) upang maging tunay na kooperatiba, mas matibay na programang para sa kabataan, sa mga senior citizen at sa edukasyon at pangangalaga sa Lamon Bay. Ipinaglaban din namin ang patubig para sa mga magsasaka.

Sa huli ay natalo kaming lahat pero hindi naman nakakahiya ang aming naging laban. Marami kaming natutuhan kasama na ang anay ng tadisyunal na pulitika. Ang pagbabayad sa ilang relihiyosong samahan upang mag endorso ng mga kandidato, ang pagsasabi sa akin ba bata pa raw ako kaya marami pang pagkakataon, ang sangkatutak na "solicitation letter" kasama na ang imbitasyon sa kasal, binyag at libing... pampagawa ng bahay, ng kasilyas... pampalibing... pampagamot... pang uniporme sa basketball at marami pang iba. Kasama na rin sa pagkadismaya ang pagbulsa di umano sa pondong dapat ay inilaan sa amin ng Akbayan!

Pagkatapos ng halalang ito naisip ko na hindi lamang pala mga pulitiko ang dahilan kung bakit ganito kabulok ang ating sistema at kung bakit patuloy tayong naghihirap kundi tayo ring mga botante ay may kasalanan. Para sa atin ay tila pyesta ang halalan kung saan mga gintong bibe ang tingin natin sa mga kandidato na magluluwal ng sangkatutak na pera at papakinabangan natin.

Pati mga samahan ng traysekel at kung anu-ano pa ay ginagamit ang kanilang impluwensya at dami upang makapanghingi ng tulong pinansyal sa mga pulitiko. Ako man ay naisipan na rin ito ng ilang beses... siguro nga dahil karamihan o halos lahat ng kandidato ay mayaman.

Tadisyunal ang ating sisyema ng pulitika at karamihan ay tradisyunal ding mag-isip. Subalit nakikita ko na sa halalang ito ay tila namumulat na ang ating mga kababayan at sana ay tama ako. Sana ay tama ako sapagkat kung hindi ay maaaring mas lumubha pa ang ating kalagayan.

Sana sa darating na eleksyon ay may puwang ang mga kandidatong simple man at walang masyadong pera ay handa namang maglingkod sa ating bayan ng tapat.

Ito po si David "Tisoy" D'Angelo at ito ang karanasan ko bilang isang pulitiko.

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: