Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Wednesday, December 9, 2009

Martial Law

Taong 1972 nang unang makabili ng TV ang mga magulang ko. At kahit black and white pa ang mga TV noon at kahoy pa ang kaha nito, parang LCD 50 inch TV with surround sound ang inuwi ng nanay at tatay ko sa sobrang excitement nila. Kaya isipin niyo na lang ang kanilang dismaya nang buksan nila ang TV at wala silang mapanood. Sige naman ang pihit ng tatay ko sa mga dial (hindi pa yata naimbento ang remote control sa TV noon) at umakyat pa ulit siya sa bubong ng bahay para ayusin ang antenna (wala pa ring cable noon at ang antenna ay parang malaking tinik ng isda na itinatayo sa labas ng bahay) pero wala pa rin. Dahil akala nilang sira ang TV, agad nila itong isinauli sa tindahan. Noon na lang nila nalaman na may news blackout pala dahil nag-deklara na ng Martial Law ang dating Presidente Ferdinand Marcos. Ang araw na iyon? September 21, 1972.

At doon rin nagtatapos ang nakakatuwang kuwento na may kinalaman sa Martial Law.

Isa ako sa mga tinawag na Martial Law babies. Lumaki ako’t nagkaisip sa buong panahong umiral ang Martial Law sa bansa. Maraming bawal noon na napansin ko nang kabataan ko: laging aligaga umuwi ang mga tao pag gabi dahil may curfew, parang si Voldemort (sa Harry Potter series) ang turing kay Marcos noon dahil bawal ang mga jokes at kung anu-anong paninira tungkol sa kanya (sabi ng nanay ko), kapag may speech si He-Who-Must-Not-Be-Named, lahat ng channels siya lang ang mapapanood mo. Kaya alam ko na maraming hinuhuli noon kasi pati daw iyong mga nagjo-joke, hinuhuli din. (May teorya nga ako noon na kaya binaril si Ninoy ay dahil marami siyang jokes tungkol kay You-Know-Who.) Hindi ko alam kung bakit Manila Bulletin lang ang alam kong diyaryo at hindi ko kilala ang ABS-CBN noon. Basta ang naalala ko, maraming kinakatakutan dahil maraming bawal.

Inangat man ang Martial Law pagkatapos ng maraming taon, walang masyadong nagbago. Pareho pa rin ang mga taong namumuno at isang tao pa rin ang nag-“didikta” ng kanilang gagawin. Kahit pa nang maging Parliamentary ang gobyerno. Pero bumilis ang mga pangyayari nang patayin si Ninoy. Pagkatapos ng 20 taon, napalitan si Marcos. Naganap ang dalawa’t kalahating People Power, sanlaksang coup d’etat at State of Emergencies pero walang Martial Law. Hanggang ngayon.

Kung bakit ipinairal ang Martial Law sa Maguindanao ay hindi ko alam. Dalawa lang ang nakasaad sa 1987 Constitution para maipasailalim ang bansa (o bahagi nito) sa ilalim ng Martial Law: invasion at rebellion. Sa kaso ng Maguindanao, wala namang invasion o rebelyong naganap. Nauna pa nga yatang idineklara ang Martial Law bago ko nalamang may rebelyon pala doon. Lawless violence, mayroon, pero hindi ito isa sa mga dahilan para mag-deklara ang pangulo ng Martial Law. Ano na ang mangyayari sa mga biktima ng Ampatuan Massacre? Kung may Martial Law, bakit parang hindi pa rin umuusad ang kasong ito? Kumbaga, todo na ang taya eh - nasan ang kabig? Hindi ba’t parang nagbibigay lang tayo ng mga gamot na pang-chemotherapy sa taong wala namang kanser?

Ang rebellion ay isang crime against the State. Hindi ito katulad ng pagrerebelde ng isang teenager. Ang Ampatuan Massacre ay hindi act of rebellion kundi isang malaking pag-belat sa lahat ng itinakda ng relihiyon, ethics at GMRC (Good Manners and Right Conduct) dahil trip lang ng isang pamilya. Dahil kaya nila. Hindi Martial Law ang kasagutan para matigil ang paghahari-harian ng iilan sa pulitika, lalo na’t batas rin ang nagpatibay sa lakas ng power trip nila. Sa tingin ko, walang sapat na basehan ang gobyerno para mag deklara ng Martial Law. Parang iba naman yata ang gustong mag-trip ngayon. Kaya sa tingin ko, dapat tigilan na ang pagtutumpik-tumpik at pag-imbento ng mga scenario na sa tingin ko e hallucinations lang ng isa pang adik (at mga ka-pot session niya) sa kapangyarihan. I-angat na ang Martial Law at pagtuunan na ang proseso ng tunay na hustisya para sa mga biktima. Iangat na ang Martial Law at pagtuunan na ang tunay na pagbangon ng estado ng buhay ng mga tao sa Maguindanao.

Para rin maiba naman ang mapanood ko sa TV.

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: