Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Monday, February 22, 2010

14 Taon Matapos ang EDSA Nasaan na ba tayo? Ang Diwa ng EDSA nasaan na?

EDSA Revolution 1986. Tila ito ang isa sa pinakamakinang na bahagi ng kasaysayan kung saan pinatunayan ng mga Filipino na kayang gawin ang isang mapayapang rebolusyon. Pinatunayan ng bawat Filipino na kayang ibalik ang demokrasya makalipas ang mahigit 20 taon na pamamahala ni Marcos.

14 taon makalipas ang EDSA Revolution asan na nga ba tayo? Natupad na nga ba ang diwa at hangarin ng EDSA?

Ninais ng People Power na maibalik ang kapangyarihan sa tao at nagtagumpay si Cory Aquino noong 1986. Tila tuloy na tuloy na ang pagbabalik na ito hanggang maupo si Gloria Arroyo. Muling sinira ni Arroyo ang ating mga institusyon at sinira maging ang dignidad ng bawat Filipino at institusyon. Lumala rin ang kabulukan ng sistemang pulitikal at naging pera-pera ang labanan. Tila puro pangako na lang pero wala namang naibibigay.

Hinangad ng People Power na mailatag ang isang sistema para sa bagong pulitika at isang sistema na kung saan mamamayan ang magiging una higit sa lahat. Subalit tila yata bago pa matapos ang termino ni Cory Aquino ay may mga maraitang magsasaka na ang napatay sa Mendiola. Habang tumatagal muling bumabalik at lumalakas ang mga oligarkiyang kasama ni Marcos noon.

Hinangad ng mga nakiisa sa EDSA ang pag-angat ng buhay ng bawat Filipino subalit mula noon tila pahirap na ng pahirap ang buhay ay lalo pang naghihirap. Tila sa bawat eleksyon aay patuloy na lumulubog ang bayan. Sabagay hindi nga naman kataka-taka dahil sila't-sila pa rin naman ang nananalo at nauupo.

Hinangad ng EDSA na mawasak na ang nepotismo at political dynasty pero tila yata lalo pa itong napalakas. Maging si Noynoy Aquino na anak ni Cory Aquino at Ninoy Aquino ay hindi tutol dito. Kasama niya sa paninindigang ito ang isa pang kandidato na si Gilbert Teodoro. May pagkakaperho sila.... pareho silang Cojuangco.

Kung may mabuting naidulot ang EDSA ito siguro ay ang pagbibigay muli sa bawat isa sa ating ng karapatang magsuri at makialam. Binigyan tayo ng EDSA ng kapangyarihang pumili sa ating mga kandidato, ipahayag ang ating mga saloobin at iguhit ang ating bukas sa pamamagitan ng ating mga palad.

Ang EDSA rin ang patuloy na nagpapaalala sa atin na kung tayo ay tunay na magkakaisa ay kaya nating gawin ang imposible. Ang katotohanan walang sinumang pulitiko o presidente ang kaya tayong sagipin. Hindi totoong si Manny Villar ang magtatapos sa ating kahirapan sapagka't tayong lahat ang tunay na solusyon sa napakalaking problemang ito.

Dapat nating isabuhay at isapuso ang diwa ng EDSA. Dapat nating baguhin ang ating mga pananaw at saloobin. Dapat din nating isigaw na TAYO ANG TUNAY NA BAYANI NG EDSA!

Ang bawat Filipino nakipaglaban at nagmamahal sa kapayapaan, kalayaan at katarungan ang tunay na bayani sa EDSA.

Nanawagan ako sa mga kandidatong ginagamit ang EDSA Revolution para sa kanilang sariling interes na sana ay igalang naman nila ito at bigyan ng halaga. Hindi si Cory Aquino ang bayani ng EDSA... hindi rin si Ramos, Enrile o Gringo.... hindi rin ang mga madre lamag o estudyante... ANG TUNAY NA BAYANI AY TAYO.

Mabuhay Tayong Lahat... MGA TUNAY NA BAYANI NG BAYANG ITO!

WAG NATING PAYAGANG MULING UMIRAL ANG DILIM!


Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: