Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Friday, April 30, 2010

Bakit Hit at Sikat si Erap?

Sa pinakahuling survey ay pumantay na ang rating nina Sen. Manny Villar at dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada. Marami ang nagtataka kung bakit sa kabila ng mga nangyari ay tila sikat na sikat pa rin sa mga botanteng Pinoy si Erap.



Sa totoo lang simple lang ang sagot... dahil si ERAP AY SUMASALAMIN SA MASANG FILIPINO.



Maraming katangian si Erap na kung saan nakakarelate ang mga karaniwang tao.

Si Erap ay tulad ng marami simple lamang, hindi masyadong matalino pero hindi naman mangmang. Alam niya ang mga bagay-bagay sa buhay at sa lipunan. Kaya niyang diskartehan ang problema ng bayan. Tulad ng maraming Pinoy diskarte ang pinaiiral upang malampasan ang pang araw-araw na hamon ng buhay.

Si Erap ay may sense of humor. Napapasaya niya ang mga nakikinig sa kanya at napapawala ang kanilang mga problema kahit sandali lang. Huling huli ni Erap ang kiliti ng masa. Ang mga jokes nya at punchline ay swak na swak sa lahat.

Si Erap ay mukhang masa. Hindi mukhang elitista si Erap. Isang tingin pa lamang sa kanya ay pwede mo nang masabi na kaiisa si Erap ng masa. Ito rin dahil sa imaheng kanyang naipakita sa kanyang napakaraming mga pelikula.

Si Erap ay tagapagtanggol ng masa. Sa maraming okasyon ay naipakita ni Erap na kasama siya ng masa. Noong senador pa lamang nilabanan niya at pinatalsik ang US Bases. Binigyan niya ng prioridad ang agrikultura noong pangulo siya at binigyan ng puwang ang mga mahihirap sa abot ng kanyang makakaya. Totoo rin na hindi ganun kahirap ang buhay noong panahon ni Erap.

Nang mapatalsik si Erap marami ang nagalit at napaiyak. Sa palagay ng marami ay pinagkaisahan si Erap at nawalan sila ng tagapagtanggol. Totoo na sugarol, at lasenggo si Erap. Totoo rin marahil na tumanggap siya ng lagay sa Jueteng pero sa totoo lang hindi lamang dapat si Erap ang naparusahan kundi maging sina Chavit Singson na mismong operator at naglalagay sa Jueteng. Obserbahan din natin na kahit nawala na si Erap may Jueteng pa rin... patunay na hindi nga si Erap ang dahilan ng pamamayagpag ng Jueteng.

Subalit para sa akin hindi pa rin dapat manalo at iboto si Erap. Dahil kay Erap dumanak ang dugo sa Mindanao nang magdeklara siya ng TOTAL WAR doon. Maraming namatay na bata, babae at matatanda. Nabastos ang mga lugar sambahan ng mga kapatid nating mga Muslim.

Hindi man aminin ni Erap pero tulad ng marami ay kurakot din siya. Nakinabang din siya sa mga transaksyon sa pamahalaan at kumita dito. Napaboran din ni Erap ang kanyang mga kaibigan at kakilala.

Maaaring tagapagtanggol si Erap ng mahihirap pero dahil din sa kanya hindi rin totoong malulunasan ang kahirapan ng bayan. Ito ang dahilan kung bakit hindi si Erap ang iboboto ko.

Ang isang pangulo ay hindi lamang dapat makamasa kundi dapat alam niya ang kanyang plano para sa ating bayan. Dapat ay babaguhin niya at gagamutin kasama nating lahat ang talamak na problema ng bayan.

Hindi ko kinokondena si Erap subalit kung siya lamang ang nakikita nating tagapagtanggol ng mahihirap at ng masa siguro dapat nating mas buksan pa ang ating mga mata.

May nagawa si Erap pero may iba pang kandidato na mas may magagawa.


Also Visit My Other Blogs 
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: