Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Thursday, April 1, 2010

Semana Santa, Pasyon at Pagbabago


Taun-taon ginugunita ng mga Katoliko at Kristiyano ang pasyon, kamatayan at pagkabuhay ni Kristo. Taun-taon din may mga nagpepenitensya, nagpapapako sa krus, sumasama sa prusisyon, nagpapabasa at kung anu-ano pa. Pero ang nakakapagtaka parang tila yata hindi tumutugma ang debosyong ito sa ugali ng karaniwang mananampalataya at lagay ng ating bansa.

Anu nga ba ang halaga ng mga araw na ito? Ano nga ba ang katuturan ng Semana Santa sa ating buhay?

Noong isang araw habang nangangampanya hindi namin namalayan na may nagpapabasa pala sa lugar na iyon. Malakas ang aming sound system kaya bigla na lang humiyaw yung mga nagpapabasa, "Putang ina nyo! Di nyo ba nakikita na may pabasa!"

Iyan ang salitang namutawi sa kanilang bibig. Hindi lang isa kundi marami. Syempre hindi naman namin alam kaya himingi kami ng pasensya. Pero higit pa roon hindi ba nakakatawa na kahit pa banal ang gawaing kanilang ginagawa ay nakukuha pa nilang magmura.

Karamihan sa atin ay ganyan. Nagpapakita ng kabanalan sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na pisikal. Nagpepenitensya, nagpapapako sa krus, sumasama sa mga prusisyon ay kung anu-ano pa. Akala natin iyon na ang pagsunod sa kautusan ng Panginoon pero ang hindi natin alam ay walang halaga rin ang lahat ng mga ito kung sa mga gawa natin ay hindi naman natin naisasabuhay ang aral ng Panginoon.

Para sa akin hindi dapat maging malungkot sa araw ng Semana Santa. Dapat tayo maging masaya at dapat nating ipagdiwang ang ginawang pagtubos ni Hesus sa atin sa mga kasalanan. Ito ang pinakamatinding sakripisyo na ginawa niya para sa ating lahat.

Dapat tayong makiisa sa kanyang pinagdaanan at kanyang kababaang loob sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng aral na ito. Kung nanaisin natin matagal na rin sanang naging maganda ang buhay sa ating bansa, iyon ay kung isinabuhay natin ang mga aral ni Hesus.

Naniniwala akong may pag-asa pa ang ating bansa. May kakayahan pa tayong bumangon sa lugmok na kahirapan at katiwalian sa ating bayan.

Ang pinakamabuting halimbawa ng pagbangon, paglilingkod at sakripisyo ay nasa taong tinitingnan natin sa mga araw na ito, si Hesukristo. Dapat nating tingnang mabuti ang aral ng mga pangyayari at kung paano tayo tunay na magiging kaisa ng sambayanan ng tao at ng Diyos.

Wala sa mga malalaki at magagarang mga santo ang ating kaligtasan at ang katuturan ng Semana Santa. Wala rin ito sa mga pisikal na ating ginagawa kundi nasa kalooban natin.

Isang makahulugang Semana Santa sa lahat!



Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: