Subscribe For Free Updates!

We'll not spam mate! We promise.


Thursday, July 1, 2010

Pia Montalban: Tula Para kay P-Noy - P-Noy Nuptial

Si Noynoy Aquino na nga ang Pangulo ng Pilipinas at tiyak na maraming inaasahan ang taumbayan sa kanya. Narito ang isang tula na sadya namang naaliw akong basahin sapagka't bukod sa makatotohanan ay kakaiba ang pagkakagawa nito.

Ang tulang ito ay mula kay Pia Montalban at pinamagatang P-Noy Nuptial.

P-Noy Nuptial
P. Montalban

Sa simula pa lamang ng ating kwento
alam kong hinding hindi ko sa iyo
igagawad itong aking Oo.

Kahit pa gamitan ako ng espesyal na istilo
ng panliligaw, gamit ang Ama't Inang wala na sa mundo,
o ang kinang na hatid ng showbiz sa kahit sinong pulitiko.

Hinding hindi ako magpapagoyo,
hanggat naririnig ko ang anas ng mga multo,
ng mga magsasakang pinapatay ng pamilya mong berdugo.

Pero ano pa ngang magagawa ko?
Na sa lipunang ang namamayani'y pyudalismo,
at hanggat madami ang nasisilaw sa dilaw mong pangako,
mananatili akong biktima ng binatang asendero,
na ipinilit ang kanyang pagkalalaki, sa dalagang pinagkasundo.

"Iniibig kita, Pi(lipin)a..."
ang anas mo sa bisperas ng ating pagiisa.

Sa kaibuturan ng puso,
ninais kong maniwala sa iyo,
ngunit gaya nang maraming tumikhim,
at nagpasasa sa akin,
pagkatapos sairin ang katas
at magsalsal ng ubod, at magiwan ng bakas,
iiwan mo akong nakapiit sa kondisyong walang takas,
sa sistema ng lipunang walang bukas.

Gusto kong ipabatid sa iyo,
bago ang pinapangarap mong pulo't-
gata. Nawa sa iyong kamalayan ay matanto:

Sisiping ako sa iyo, na mula't sa uring pinanggalingan mo.
Makikinig ako sa bawat pangako mo, ngunit di aasa sa katuparan nito.
Kung tutupdin, nararapat itong kapalit sa katas ng aking likas yamang matitikman mo.
Kung hindi makatutupad, mangunguna ako sa paghahapag ng diborsyo.
Huwag kang pakaloloko, dahil patutulugin kita sa labas ng ating kulambo.

Gusto kong subukan ang pagibig na ito,
Kahit ayaw ko,
Kahit multo ng bayani at mamamayang lugami,
ang sa sitwasyong ito ay silang sa akin ay nagsubo.

Gusto kitang bigyan ng pagkakataon,
dahil wala namang pagpipiliang sitwasyon.

Ngunit pakatandaan, hindi na ako,
ang dating Pi(lipin)a, na madaling magpauto,
na madaling madala sa tamis ng pangako,
na madaling mabuntis ng mga salita ng mga makatang katoto.

Natuto na ako.

Natuto
na
ako.

Also Visit My Other Blogs
| Newz Around Us | Ordinary People, Ordinary Day |

Pagod Ka Na Bang Maging si Juan?
SOCIALIZE IT →
FOLLOW US →
SHARE IT →

0 comments: